Home NATIONWIDE Ilongga OFW sa Saudi, 3 araw ikinulong ng amo, nagpasaklolo

Ilongga OFW sa Saudi, 3 araw ikinulong ng amo, nagpasaklolo

1
0

MANILA, Philippines — Humihingi ng agarang repatriation ang isang 27-anyos na overseas Filipino worker (OFW) mula Iloilo City matapos umano siyang ikulong nang tatlong araw at hindi pakainin ng kanyang employer sa Saudi Arabia.

Kinilala ang OFW na si Leonor Falcis, na dumating sa Saudi Arabia noong Agosto 11 upang magtrabaho bilang domestic helper.

Sa isang ulat, sinabi ni Falcis na sa unang araw pa lamang niya sa trabaho ay umabot umano sa 22 oras ang kanyang paglilinis sa bahay ng employer. Kinabukasan, 19 oras naman umano siyang pinagtrabaho at halos pag-inom ng tubig at pagpunta lamang sa palikuran ang kanyang pahinga.

Pagsapit ng ikatlong araw, nakiusap umano siya sa kanyang employer na mabigyan ng kahit 30 minutong pahinga.

Dito umano nagalit ang kanyang amo at ikinulong siya sa isang silid nang tatlong araw nang walang ibinibigay na pagkain.

Habang nakakulong, nagawa ni Falcis na magpadala ng voice message sa kanyang asawang si Lawrence upang ipaalam ang kanyang kalagayan.

Nakiusap din umano ang OFW na ibalik na lamang siya sa kanyang recruitment agency. Nang isakay siya sa sasakyan, pinakiusapan niya ang Pinoy na driver na ihatid siya sa kanyang agency sa halip na sa ibang destinasyon.

Nakarating na sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 6 ang kaso at sinimulan na umano ang proseso para maiuwi si Falcis sa Pilipinas.

Ayon kay OWWA Region 6 official James Mendiola, kailangan munang makansela ang working visa at kontrata ng OFW sa kanyang employer upang mabigyan siya ng exit visa.

Wala pang inilalabas na pahayag ang employer kaugnay ng mga alegasyon ng OFW. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here