MANILA, Philippines – Umapela si House impeachment team adviser at spokesperson Robert Ace Barbers sa publiko na masusing suriin ang mga ebidensiyang inilalatag sa ginagawang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ang pahayag ay ginawa ni Barbers kasunod ng 19 araw na pagtakbo na ng paglilitis kung saan nagpresenta na ng mga mabibigat na ebidensiya at witness ang prosecution panel.
“We urge that the Filipino people listen, hear, at suriin mabuti itong mga ebidensyang ito na inilalatag ng dalawang panig, both the defense panel at iyong ating prosecution panel,” pahayag ni Barbers.
Giniit ni Barbers na mahalagang patuloy na subaybayan ng mamamayan ang paglilitis sa Senate impeachment court upang personal na makapagbigay ng sariling pagtataya batay sa mga ebidensiya at hindi sa mga taong sangkot lamang.
Binigyang-diin pa ni Barbers na ang impeachment ay isang mekanismong nakasaad sa Saligang Batas upang panagutin ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan.
“Hindi mahalaga na makita natin ang mga personalidad dito, kundi ang pinakaimportante ay makita na merong due process, merong accountability mechanism, at higit sa lahat, meron pagtugon sa ating Saligang Batas,” dagdag pa ni Barbers. Gail Mendoza