Home LIFESTYLE HEALTH DOH nagbabala laban sa leptospirosis dahil sa malawakang pagbaha

DOH nagbabala laban sa leptospirosis dahil sa malawakang pagbaha

2
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag maligo, maglaro o lumusong sa baha dahil sa panganib ng leptospirosis at iba pang sakit na nakukuha sa maruming tubig, kasabay ng patuloy na malakas na ulan at pagbaha dulot ng Habagat.

“‘Wag maligo o maglaro sa baha,” ayon sa abiso ng DOH.

Ayon sa DOH, maaaring kontaminado ang tubig-baha ng ihi ng mga infected na hayop, kabilang ang mga daga, na maaaring magdulot ng leptospirosis.

“Ang tubig-baha ay madumi at posibleng maging sanhi ng impeksyon tulad ng Leptospirosis at iba pang waterborne diseases,” saad ng ahensya.

Nagbabala rin ang ahensya na maaaring mauwi sa malaking gastos sa gamutan at pagkamatay ang malubhang komplikasyon ng leptospirosis.

“Hindi biro ang mga komplikasyon na dulot ng Leptospirosis, maaari itong mauwi sa malaking gastos ng gamutan at pagkamatay,” saad pa nito.

Pinayuhan ang mga lumusong o na-expose sa baha, may sugat man o wala, na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health center o YAKAP Clinic upang malaman kung kailangan nila ng doxycycline prophylaxis.

“Kung ikaw ay lumusong o na-expose sa baha, may sugat man o wala, magpakonsulta agad sa pinakamalapit na Health Center o YAKAP Clinic upang malaman kung kailangan mo ng doxycycline prophylaxis,” paalala ng DOH.

Gayunman, pinaalalahanan ng DOH ang publiko na huwag uminom ng doxycycline nang walang reseta ng doktor.

Samantala, nakapagtala ang bansa ng 5,486 kaso ng leptospirosis mula Enero 4 hanggang Agosto 26, ayon sa DOH. Mas mababa ito ng 23% kumpara sa 7,163 kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Gayunpaman, nagbabala ang DOH na maaaring patuloy na dumami ang mga kaso sa susunod na dalawang linggo dahil sa mga pag-ulan at pagbaha nitong mga nakaraang araw. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here