MANILA, Philippines – Hinimok ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang Supreme Court (SC) na mas mahigpit na bantayan ang hudikatura, lalo na ang mga kaso ng mga taong nahatulan na sa graft ngunit nakakapagpiyansa pa rin sa desisyon ng mga mababang hukuman.
Ayon kay Remulla, dapat tingnan ng SC kung bakit umaabot ng maraming taon, o kahit dekada, ang mga kaso ng graft at corruption sa Sandiganbayan at Regional Trial Courts (RTCs).
“The problem is courts are too forgiving that they do not imprison those that should be imprisoned,” ani Remulla. “If you have been convicted by a lower court, convicted by the Sandiganbayan, convicted by the RTC for graft, you should already be in prison,” dagdag pa niya.
Hiniling din niya sa SC na maayos na bantayan ang mga kaso at magtakda ng mga deadline upang mapabilis ang paglilitis.
“Hopefully the Supreme Court, of course they are our friends, should police the judiciary properly. They should really monitor [the cases] and set deadlines,” aniya.
Sa ilalim ng Rules of Court, maaaring payagan ang piyansa kahit matapos mahatulan sa graft o paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kung hindi ito napaparusahan ng reclusion perpetua o life imprisonment. Nasa diskresyon ng trial court ang naturang piyansa.
Sinabi ni Remulla na masyadong maluwag ang ilang korte sa pagbibigay ng piyansa sa mga nahatulan na, dahil wala na silang “presumption of innocence” at karapatan sa piyansa.
Nagsasagawa na rin ang kanyang tanggapan ng inventory ng mga nahatulan sa graft upang malaman kung sino ang tunay na nakulong at kung sino ang nakaiwas sa pagkakakulong matapos payagang makapagpiyansa.
Samantala, binuksan na ng Judicial and Bar Council (JBC) ang aplikasyon at rekomendasyon para sa bagong Chief Justice na papalit kay Alexander Gesmundo, na magreretiro sa Nobyembre 6. Tatanggap ang JBC ng mga aplikasyon hanggang Oktubre 13 ngayong taon.
Si Gesmundo ang ika-27 Chief Justice ng SC at nanungkulan mula Abril 2021. Siya ay dating Sandiganbayan justice bago naitalaga sa Supreme Court. RNT/MDS