MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa mga economic manager ng pamahalaan na suportahan ang living wage bilang batayan sa pagtatakda ng minimum wage, kasabay ng patuloy na pagkaantala sa pagpapatupad ng dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila dahil sa restraining order na inilabas ng korte.
Binigyang-pansin ni Villanueva ang usapin sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 national budget, kung saan kinuwestiyon niya ang pagpigil ng isang regional trial court sa pagpapatupad ng NCR Wage Order No. 27. Aniya, malinaw na nakasaad sa Article 126 ng Labor Code na hindi maaaring maglabas ang mga korte ng injunction o temporary restraining order laban sa mga proceeding ng regional wage boards.
“Ang tagal ko na pong naging chair ng Senate Committee on Labor, pero ngayon ko lang nakita na verbatim na sinuway ng korte iyong eksaktong nakalagay sa ating Labor Code,” ani Villanueva.
Binigyang-diin din niya na nagpasa na ang Senado ng isang resolusyon na kumukuwestiyon sa pakikialam ng korte sa proseso ng pagtatakda ng minimum wage.
Sa ilalim ng NCR Wage Order No. 27, itinaas ang minimum wage sa Metro Manila mula P755 patungong P840 kada araw. Gayunman, nananatiling suspendido ang pagpapatupad nito habang dinidinig ng korte ang usapin.
Naghain si Villanueva ng Senate Bill No. 44, o Living Wage Act, na naglalayong magtakda ng pamantayan para sa sahod na sapat upang matugunan hindi lamang ang pangunahing pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino at kanilang pamilya, kundi upang mabigyan sila ng pagkakataong mamuhay nang disente at may dignidad.
Hiniling din ni Villanueva sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na tugunan ang lumalaking agwat sa sahod sa pagitan ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan. Bilang halimbawa, binanggit niya ang mga manggagawa sa Bulacan na mas pinipiling bumiyahe patungong NCR dahil sa malaking diperensya sa sahod.
“Kaysa magtrabaho dito, tatawid ka na lang ng kalye papuntang NCR,” ani Villanueva, na binigyang-diin kung paanong ang mas mataas na sahod sa Metro Manila ay humihila ng mga manggagawa mula sa mga kalapit na probinsiya.
Sinabi naman ni DEPDev Secretary Arsenio Balisacan sa pagdinig ng Senate Committee on Finance na dapat manatili sa regional tripartite wage boards ang pagtatakda ng minimum wage. Ayon sa kanya, nalampasan na ng pagtaas ng minimum wage sa NCR ang inflation sa mga nakaraang taon.
Ngunit ipinunto ni Villanueva na iba ang kalagayan ng maraming manggagawa sa labas ng Metro Manila, kung saan nananatiling kapos ang sahod kumpara sa araw-araw na gastusin.
Iginiit ni Balisacan na hindi angkop ang iisang minimum wage para sa buong bansa dahil magkakaiba ang kondisyon ng mga rehiyon at kailangang balansehin ang sahod, kalidad ng trabaho, at pagpasok ng mga investment.
Nilinaw naman ni Villanueva na hindi nangangahulugan ang living wage ng pagtatakda ng iisang halaga ng minimum wage sa buong bansa. Sa halip, nais niyang gamitin ng regional tripartite wage boards ang living wage bilang mahalagang pamantayan sa pagtatakda ng sahod sa kani-kanilang rehiyon.
“Importante na magkaisa po tayo sa direksyon ng pag-uusap tungkol sa living wage, dahil nakasaad ito sa ating Saligang Batas,” ani Villanueva, na tumukoy sa probisyon ng 1987 Constitution na kumikilala sa karapatan ng mga manggagawa sa living wage.
Iniugnay din ni Villanueva ang usapin sa Trabaho Para sa Bayan Act, na kanyang iniakda upang magkaroon ng pangmatagalang pambansang plano sa paglikha ng trabaho at paglinang ng labor market.
Hiniling niya sa DEPDev na ipakita kung paano nakapaloob sa panukalang 2027 national budget ang mga estratehiya ng pamahalaan upang tugunan ang labor demand at supply, mapabuti ang labor market governance, at makalikha ng mas maraming dekalidad at disenteng trabaho para sa mga Pilipino. Ernie Reyes