Home NATIONWIDE Adiong: P473,000 kada-oras pag-gasta ng P125M confidential funds sa 11-araw

Adiong: P473,000 kada-oras pag-gasta ng P125M confidential funds sa 11-araw

1
0

MANILA, Philippines — Gumamit ng simpleng math si House prosecution panel “layman” spokesperson at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong upang ipakita ang umano’y laki ng maling paggamit sa ₱125 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Ayon kay Adiong, naubos ng OVP ang ₱125 milyon na confidential funds sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.

“Nung natapos na nilang gastusin in 11 days, by the way, kung i-quantify natin yung 11 days, P473,000 every hour ang nagagastos, para ma-consume, in 11 days, ang P125 million, ganun kabilis at kalaki yung paggasto ng P125 million in 11 days,” saad ni Adiong.

“Not mentioning the fact na in 11 days na yan, merong mga holidays diyan,” dagdag niya.

Natanggap ng OVP ang ₱125-million cash advance noong Disyembre 2022 at iniulat na ginamit ang buong halaga mula Disyembre 21 hanggang 31. Nauna nang kinuwestiyon ito ni state auditor Roderick Wamil dahil ang pondo ay nakalaan para sa fourth quarter.

Kinuwestiyon din ng prosecution ang paliwanag ng OVP tungkol sa mga gastusing nauna nang isinagawa bago inilabas ang pera.

“Ang confidential funds nga is, ano ‘yan cash advance ‘yan. Why would you reimburse something that have already been implemented from the confidential funds, which is actually is intended for specific purpose, guided by a specific criteria on how you handle that, bawal ‘yun,” aniya.

Kinuwestiyon din ni Adiong kung paano naipamahagi ang pondo sa 134 na lugar sa buong bansa sa loob lamang ng 11 araw.

“Meron pang pag-distribute nung confidential funds in 11 days, 134 areas all over the country in one day, so paano mo mate-testify ‘yun?” tanong niya.

Naging sentro ng Article I ng impeachment case ang 11-araw na paggastos habang sinusuri ng prosecution kung paano hiniling, in-withdraw, ipinamahagi at ni-liquidate ang unang ₱125-million tranche.

Iginiit ni Adiong na mahalaga ang mga opisyal na dokumento sa paghusga sa mga pahayag ng mga opisyal ng OVP.

“Whatever testimony that they would give to the court, whatever narrative that they would provide to the court, still we go back to the documents, the official documents, at hindi nagsisinungaling yung official documents, at hindi nagsisinungaling yung figures na nagre-reflect doon sa official documents, as compared to Colonel Lachica, wala siyang pinirmahan,” saad ni Adiong.

Kinuwestiyon din ni Adiong kung maaaring pagkatiwalaan si Vice President Sara Duterte sa paggamit ng public funds, lalo na sa pagsunod sa mga patakaran para sa confidential funds.

“Can we trust the Vice President with the resources of the government, knowing that the policy, a very basic policy, hindi pa niya masunod given the fact na she is a lawyer and she has been using confidential funds for over three years now?” aniya.

Sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01, kailangang bantayan ng pinuno ng ahensya ang paggamit ng confidential funds, aprubahan ang cash advances at liquidation reports, at tiyaking nasusunod ang mga patakaran. Ang designated special disbursing officer (SDO) naman ang responsable sa aktuwal na paglabas at accounting ng pondo.

Ayon kay Adiong, mahalaga ring isaalang-alang na may karanasan na si Duterte sa paggamit ng confidential funds noong siya ay mayor ng Davao City.

“Pero the mere fact na maski ‘yung simpleng joint circular na alam mo namang may joint circular, kasi naging mayor ka, at saka gumagamit ka na ng confidential funds before ka pa naging Bise Presidente, tapos viniolate mo ito very simple lang na policy, hindi mo finallow, tapos nag-utos ka pa ng tao para i-disregard ito at i-violate ito,” ani pa niya.

Nauna nang nagpatotoo si dating OVP SDO Gina Acosta na inutusan siya ni Duterte na ibigay ang confidential-fund cash kay Colonel Raymund Lachica, kahit si Acosta ang itinalagang bonded officer na responsable sa pondo. Iginiit ng prosecution na labag umano ito sa umiiral na patakaran.

Para kay Adiong, ang umano’y paglabag sa mga pangunahing safeguard sa paggamit ng confidential funds ay may kinalaman sa pananagutan ni Duterte bilang isang opisyal ng gobyerno.

“So that alone proves na meron talagang culpable violation of the Constitution, because ang sinabi naman sa Constitution, public office is a public trust. So how can you be trusted with the mandate you have given by the people, kung yung simpleng polisiya ng paggamit ng confidential funds ay binaliwala mo?” saad niya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here