MANILA, Philippines – Sa gitna ng matataas na presyo ng langis at bilihin na pumipigil sa Bangko Sentral na maabot ang target nito sa pagpapababa ng inflation rate ngayong Agosto, tumindig ni Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo na amiyendahan na ang lumang Oil Deregulation Law upang obligahin ang transparency sa pagpepresyo ng mga oil companies sa Pilipinas.
“Sasabihin na lang ng mga kumpanya ng langis na ‘bukas, magtataas kami ng presyo nang limang piso bawat litro,’ at wala na tayong magagawa kundi magbayad,” pahayag ni Tulfo.
“Ang gagawin natin ay palalakasin natin ang kapangyarihan ng Department of Energy (DOE) sa mga kumpanyang ito. Wala nang biglaang pagtaas ng presyo—kailangan na nilang ipaliwanag kung bakit sila nagtataas ng presyo sa ganoong paraan,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ng Pinuno ng Senate Energy Panel: “matagal na itong sinisigaw ng transport sector. Talagang umiiyak sila na parang walang habas yung pagtataas ng presyo ng krudo. Di naman ma-eksplika nang maayos bakit ganoon.”
Iginiit din ng Senador na maituturing na pabigat sa mga Pilipino ang kasalukuyang bersyon ng Oil Deregulation Law. Inihalintulad niya ito sa epekto ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
“Dahil sa mga lumang batas na ito, ang mga system loss ay ipinapasa sa mga mamimili. Alam na alam ng mga kumpanya ng kuryente na kailangan nilang i-upgrade ang kanilang sistema, ngunit pinabayaan lang nila itong masira dahil madali lang naman nilang maipapasa ang singil ng system loss sa publiko,” giit ni Tulfo.
Ipinaglaban ng Senador na bagama’t sinasabi ng mga kritiko na barya lamang ang maitatapyas ng mga repormang ito sa presyo ng bilihin, malaking bagay pa rin ang bawat pisong matitipid para sa mga karaniwang pamilyang Pilipino na naiipit ng inflation.
“Ang mahalaga rito ay ang prinsipyo. Hindi pwede na nakatunganga lang tayo at hahayaang ang mga ordinaryong Pilipino ang magbayad sa mga serbisyong hindi naman nila pakikinabangan, o magbayad ng petrolyo nang hindi naiintindihan kung paano ito binuo,” pagtatapos niya. Ernie Reyes