ANGADANAN, Isabela – Limang daryber at konduktor ang nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga sa isinagawang simultaneous random drug testing ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 2 sa ilang transport terminal sa Isabela at Cagayan.
Sa Tuguegarao City, Cagayan, kabilang sa kinuhanan ng urine sample para sa drug test ang mga driver at konduktor ng bus pati na driver ng van. Sa 119 indibidwal na sumailalim sa pagsusuri, isang bus driver ang nagpositibo sa paggamit ng shabu.
Habang sa Santiago City, abot 110 driver at konduktor ng public utility vehicles ang sumalang sa drug test kung saan ay apat na tsuper ang nagpositibo sa paggamit ng shabu.
Ayon sa PDEA Region, dadaan pa sa confirmatory test ang naunang resulta ng drug test.
Nagsagawa rin ang PDEA K9 team ng random sweeping o pagsusuri sa mga pasahero at kanilang mga bagahe.
Layunin matukoy at mapigilan ang posibleng pagdadala ng mga ilegal na droga sa pamamagitan ng pampublikong transportasyon.
Isinagawa ang operasyon katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan sa layuning matiyak ang drug-free at ligtas na pampublikong transportasyon sa mga nasabing probinsya.
Posibleng matanggalan ng lisensya ang mga nagpositibo sa illegal na droga. (REY VELASCO)