MANILA, Philippines – Mariing nagbabala ang mga eksperto sa bulkan ng pamahalaan nitong Sabado na ang malakas na pag-ulang dala ng southwest monsoon o Habagat ay maaaring magdulot ng volcanic mudflow o debris flow—na kilala sa na tawag na lahar—sa mga bulkang Pinatubo at Taal.
Sa isang abiso noong 11:00 ng umaga, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang inaasahang epekto ng malakas na pag-ulang dulot ng Habagat sa kanluran at gitnang bahagi ng Luzon.
“Maaari itong magdulot ng volcanic sediment flow o lahar, at pagdaloy ng maputik na tubig o runoff sa mga ilog at drainage area sa mga bulkang Pinatubo at Taal,” pahayag ng PHIVOLCS.
Kaugnay nito, mariing inirerekomenda ng PHIVOLCS ang pagiging mas mapagmatyag at paghahanda ng mga komunidad na nasa mga lugar na natukoy na may panganib sa lahar at iba pang kaugnay na panganib sa paligid ng mga bulkang ito.
Sinabi ng PHIVOLCS na ang matagal at malakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng lahar sa mga pangunahing ilog na dumadaloy mula sa kanlurang bahagi ng Pinatubo, kung saan nananatili pa rin ang malalaking deposito ng materyales mula sa malakas na pagsabog nito noong 1991.
Nabatid na ang insidente sa Pinatubo noong 1991 ang ikalawang pinakamalaking pagsabog ng bulkan sa mundo noong ika-20 siglo; nagdulot ito ng pagkamatay ng 847 katao, pagkasugat ng 184, at pagkawala ng 23 iba pa, ayon sapark.org, isang website na nakatuon sa Pinatubo.
Ayon sa PHIVOLCS, maaaring magkaroon ng lahar sa itaas hanggang gitnang bahagi ng mga sistema ng ilog ng Sto. Tomas-Marella at Bucao. Maaari itong maging daloy ng maputik na tubig at pagbaha sa mga mabababang bahagi, na makaaapekto sa mga komunidad sa San Marcelino, San Narciso, San Felipe, at Botolan sa Zambales.
Samantala sinabi pa ng Phivolcs na maaari ring magkaroon ng daloy ng maputik na tubig sa mga sistema ng ilog ng O’Donnell at Pasig-Potrero na dumadaloy mula sa Pinatubo patungo sa hilaga at timog-silangan. Kung mangyari ito, maaaring maapektuhan ang mga komunidad sa ibabang bahagi ng mga ilog sa Tarlac at Pampanga, ayon sa PHIVOLCS.
Para naman sa Bulkang Taal, sinabi ng PHIVOLCS na maaaring magkaroon ng daloy ng maputik na tubig at runoff sa mga dalisdis sa kanluran ng Lawa ng Taal, kung saan ang mga natitirang manipis na deposito ng abo ay maaaring muling kumilos o maanod. Maaaring maulit ang mga ganitong insidente, ayon sa ahensya, sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel sa Batangas.
Kaugnay nito pinayuhan ng PHIVOLCS ang mga lokal na pamahalaan at mga komunidad sa mga lugar na ito na bantayan ang lagay ng panahon at magsagawa ng mga “preemptive response measure” para sa kaligtasan ng mga residente. (Santi Celario)