MANILA, Philippines – Nag-isyu ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng cease-and-desist order sa mga umano’y iligal na reclamation projects sa Taguig City, ayon kay Secretary Vince Dizon nitong Linggo, Agosto 30.
Ani Dizon, ang mga kautusan ay isinilbi noong Agosto 20 kasunod ng direktiba mula sa Office of the President sa pamamagitan ng Philippine Reclamation Authority (PRA).
“Let’s just discuss and if there is any problem there, then let’s determine the way forward,” sinabi ni Dizon.
Idinagdag pa niya na ang mga kautusan ay “effective immediately,” ngunit wala pang listahan ng mga proyektong sangkot dito ang ahensya.
“I think a meeting will be called among different stakeholders, including the City of Taguig plus [Laguna Lake Development Authority] and PRA,” sinabi pa ni Dizon.
Matatandaan na ngayong buwan ay natuklasan sa pag-iimbestiga ng opisina ni Senador Panfilo Lacson ang reclamation activities sa Taguig City na nasa gilid ng Laguna Lake sakop ang 85 ektarya ng lupain.
Ibinabala niya na ang mga aktibidad na ito ay may banta sa ecosystem ng Laguna Lake dahil posibleng mapunta rito ang mga basura na para sana sa Rizal provincial sanitary landfill.
Ibinahagi ni Lacson na mayroon umanong apat na “fraudulently” titled parcels ng illegally reclaimed land sa Taguig City ang natukoy at naiturn-over na sa Office of the Ombudsman para maimbestigahan.
Ayon kay Lacson, ang mga lupaing ito ay may lawak na mula 5,000 hanggang 193,027 square meters.
Ang lahat ng apat na ito ay naiproseso sa iba’t ibang patent at land registration procedures.
Sinabi pa ng senador na mayroong apat iba pang parcel na walang plotted titled lots ang nasa digital records ng Land Registration Authority. RNT/JGC