Home NATIONWIDE Malakanyang sa imbestigasyon ng flood control: Let the Ombudsman do its job

Malakanyang sa imbestigasyon ng flood control: Let the Ombudsman do its job

1
0

MANILA, Philippines – Nakiusap ang Malakanyang sa publiko na hayaan ang Office of the Ombudsman na ipagpatuloy ang imbestigasyon nito kaugnay sa maanomalyang flood control projects at huwag madaliin ang mga bagay-bagay gaya ng nais na mangyari ng marami, bilang bahagi ng pagdurusa ng bansa mula sa matinding pagbaha dulot ng walang tigil na pag-ulan.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang Office of the Ombudsman ay isang independent constitutional body at mayroong sariling mandato, hiwalay mula sa ehekutibo, lehislatura at hudikaturang sangay ng pamahalaan.

“Nadidinig naman po natin ang mga report, mga salita, ang mga mensahe ni Ombudsman Boying Remulla, kung paano sila nagtatrabaho at paano nila inaaral ang mga naipasa na mga dokumento sa kanilang opisina,” ang sinabi ni Castro sa isang video statement.

“Batid natin ang hirap na mag-aral ng gabundok na mga files, at random naman din natin na nais din nilang mapabilis lahat ang mga kasong ini-imbestigahan,” dagdag na pahayag ni Castro.

Gayunman, sinabi pa ni Castro na hindi tama na madaliin ang imbestigasyon dahil maaaring mauuwi lamang sa wala ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

“Mahirap madaliin ang kaso tapos hilaw. Sisihin sila kapag na-dismiss ang kaso dahil kulang sa ebidensya. So, hayaan po natin magtrabaho ang Ombudsman dahil alam po nila ang kanilang responsibilidad,” ang pahayag ni Castro.

Gayunpaman, nanindigan si Castro na ang imbestigasyon ng Ombudsman hinggil sa flood control ay naaayon sa batas. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here