MANILA, Philippines – Kung hindi nabuking ang umano’y ilegal na reclamation sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig City, aasa pa rin kaya si Sen. Alan Peter Cayetano na totoo ang mga alegasyon ng ilegal na pagkakatitulo sa lugar upang may mapakinabangan ang pamahalaan mula sa lupa?
Itinanong ito ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Lunes matapos sabihin ni Cayetano nitong weekend na maaaring mapunta sa pamahalaan ang mga parsela ng lupang umano’y ilegal na ni-reclaim, kabilang ang isang ari-ariang may lawak na 18 ektarya.
Bilang pagsopla sa pahayag ni Cayetano, sinabi rin ni Lacson na hindi basta-bastang mapakinabangan ng pamahalaan ang mga pinag-uusapang lugar dahil hindi bababa sa 38.83 ektarya ang sakop ng mga titulo ng lupa na nakarehistro sa mga pribadong indibidwal.
“Maybe so, except that those titles (38.83 hectares total, so far) are registered to private individuals. We have their names as well as the OCT (Original Certificates of Title) and TCT (Transfer Certificate of Title) numbers. We are digging further deep into it,” aniya.
Sinabi ni Cayetano nitong weekend na umaasa siyang mapatutunayang totoo ang mga alegasyon hinggil sa mga ilegal na pagkakatitulo ng mga ari-arian — kabilang ang isang parsela na may lawak na 18 ektarya at sakop ng Transfer Certificate of Title (TCT) — dahil maaari itong mapunta sa pamahalaan.
Ayon kay Lacson, ang 38.83 ektarya ang kabuuang lawak, sa ngayon, ng mga lupang sakop ng pinag-uusapang mga titulo para sa apat na parsela ng umano’y ilegal na ni-reclaim na lupa sa Taguig City.
Nitong weekend, sinabi ni Lacson na unang natukoy ang apat na parsela ng umano’y ilegal na ni-reclaim na lupa sa Taguig City na sakop ng mga titulong “fraudulently” na inilabas. Batay ang mga natuklasan sa mga materyales na ibinigay ng Philippine Reclamation Authority (PRA) sa tanggapan ni Lacson.
Hindi bababa sa apat pang parsela, samantala, ang walang plotted title lots sa digital file ng Land Registration Authority (LRA), dagdag niya.
Hiniling na ni Lacson sa LRA na siyasatin ang kasaysayan at pinagmulan ng mga naturang ari-arian.
Samantala, sinabi ni Lacson na hindi maaaring basta-bastang ituring na fake news ang mga ebidensyang nakalap niya at ng kanyang staff hinggil sa ilegal na reclamation sa Taguig City dahil detalyado ang mga ito at nakabatay sa mga opisyal na rekord.
“Pag ganito ka-detalyado at may pinaghugutan pang official records, mahirap sigurong paniwalaan na ‘fake news’. At kung hahaluan pa ng kulay pulitika, i.e. may plano daw akong tumakbong presidente sa 2028, watch me – my public service career ends when I finish my term as senator in 2031. I might even retire earlier. Fighting corruption in this country is exhausting and frustrating,” aniya. Ernie Reyes