MANILA, Philippines – Suportado ng Bureau of Immigration (BI) ang panukala ng Department of Transportation (DOTr) na palawakin ang paggamit ng electronic immigration gates (e-gates) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para pabilisin ang passenger clearance at mabawasan ang pangangailangan para sa immigration interviews.
Naunang sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon na target niya ang pagrekomenda sa mas malawak na paggamit ng e-gates at magamit ng lahat ng pasahero na umaalis at dumarating sa Pilipinas.
Ani BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang proposal ay nakaayon sa modernization agenda ng ahensya at mabawasan ang pila, mapabilis ang pagproseso sa mga pasahero, at palakasin ang border security, kasabay ng pagtugon sa mandato na labanan ang human trafficking at iba pang cross-border crimes.
Magagawa ng mga e-gate na ma-clear ang mga pasahero ng automated screening para hindi na kailanganin ang routine face-to-face immigration interviews.
Ang mga mapa-flag lamang ng sistema ang mangangailangan ng assessment at isasailalim sa examination ng immigration officers.
Sa ngayon, tanging ang mga outbound foreigners at Overseas Filipino Workers (OFWs) pa lamang ang pinapayagang gumamit ng e-gate.
Samantala, para sa mga arriving passenger, tanging ang mga Filipino lamang ang pinapayagang gumamit ng e-gates.
“Technology should allow us to process legitimate travelers faster while enabling our officers to focus on passengers who require closer scrutiny,” sinabi ni Viado.
“Wider e-Gate access must go hand in hand with reliable biometric verification and effective security checks. Our objective is not only to reduce queues but also to make immigration screening faster, smarter, and more secure,” dagdag pa niya.
Ayon sa ahensya, pinalalawak nito at ina-upgrade ang mga e-gate sa international airports sa labas ng Metro Manila, at ang unang phase ay nakumpleto na sa Clark, Cebu, and Davao.
Ang dagdag na security feature sa mga gate ay ang Automated Biometric Identification System (ABIS), isang software na nagpapaigting ng biometric identification at verification capabilities para ma-detect ang multiple-passport holders at iba pang fraudulent activity.
Nagpapatuloy ang procurement para sa ikalawang phase ng programa na sakop naman ang iba pang provincial international ports.
Ipinatutupad din ang livestreamed bidding kapareho sa unang phase, ayon sa BI. RNT/JGC