Home METRO 7-anyos, 2 pa sugatan sa pamamaril sa away-parking sa NegOc

7-anyos, 2 pa sugatan sa pamamaril sa away-parking sa NegOc

2
0

BACOLOD CITY — Tatlong magkakamag-anak, kabilang ang isang pitong taong gulang na bata, ang sugatan matapos umanong pagbabarilin kasunod ng pagtatalo dahil sa nakaparadang sasakyan sa Hinigaran, Negros Occidental.

Nangyari ang insidente bandang alas-11:25 ng umaga noong Linggo, Agosto 30, sa Osmeña Street, Barangay 2, ayon sa Hinigaran Municipal Police Station.

Batay sa paunang imbestigasyon, hiniling umano ng 52-anyos na suspek na iusog ang sasakyan ng mga biktima upang makadaan ang kanyang sasakyan.

Nauwi umano sa mainitang pagtatalo ang usapan hanggang sa kumuha ng baril ang suspek mula sa kanyang sasakyan at ilang ulit na nagpaputok.

Tinamaan sa kanang balakang ang 37-anyos na babae, sa kanang hita ang 64-anyos na lalaki, habang nagtamo ng tama sa kaliwang bukung-bukong ang pitong taong gulang na bata. Iniulat na nasa stable condition ang tatlo matapos dalhin sa pagamutan.

Ayon sa pulisya, naaresto ang suspek sa isinagawang pursuit operation at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso.

Narekober din umano sa crime scene ang isang caliber .45 pistol, pitong basyo ng bala, dalawang magazine at pitong bala. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here