MANILA, Philippines — Dinepensahan ng ilang mambabatas ang panukalang P4.55 bilyong confidential and intelligence funds (CIF) ng Office of the President (OP) para sa 2027, habang muling nanawagan naman ang ilang miyembro ng oposisyon na tuluyang alisin ang naturang pondo.
Ayon sa 2027 National Expenditure Program at datos ng House of Representatives, P2.25 bilyon sa panukalang CIF ng OP ang para sa confidential funds at P2.3 bilyon naman para sa intelligence funds. Kapareho ito ng antas ng pondo ngayong 2026.
Sinabi ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na makatwiran ang pagkakaroon ng CIF ng Pangulo dahil sa kanyang tungkulin bilang commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines at responsibilidad sa national security.
“I think we have to remember that the President is also the commander-in-chief of the Armed Forces. Therefore, he has all the right to have a confidential fund,” ani Abante sa isang online press briefing nitong Lunes, Agosto 31.
Gayunman, iginiit niyang kailangang matiyak kung paano at saan gagamitin ang pondo.
Ganito rin ang posisyon ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, na nagsabing dapat masunod ang wastong proseso at accountability mechanisms sa paggastos ng CIF.
Sa kabuuan, nasa P10.773 bilyon ang panukalang confidential at intelligence funds ng gobyerno para sa 2027, mas mababa ng 8.8 porsiyento mula sa P11.818 bilyon ngayong taon.
Sa P10.773 bilyon, P4.368 bilyon ang nakalaan para sa confidential funds habang P6.405 bilyon naman ang para sa intelligence funds.
Sa ilalim ng 2015 joint circular ng Commission on Audit at iba pang ahensya, ang confidential expenses ay para sa surveillance activities ng civilian government agencies na sumusuporta sa kanilang mandato, habang ang intelligence expenses ay para sa intelligence-gathering activities na may direktang epekto sa national security.
Samantala, nanawagan sina ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago na alisin na ang CIF at ilipat ang pondo sa mga pangunahing serbisyo tulad ng kalusugan, edukasyon, pabahay at agrikultura, ayon sa ulat ng GMA News.
Iginiit ni Tinio na dapat maging transparent ang pambansang badyet, habang sinabi naman ni Elago na walang ahensya, kabilang ang Office of the President, ang dapat malibre sa pananagutan sa paggamit ng pampublikong pondo. RNT