Home METRO 4 patay sa leptospirosis sa Baguio; 16 kaso naitala

4 patay sa leptospirosis sa Baguio; 16 kaso naitala

4
0

BAGUIO CITY — Umabot na sa 16 ang naitalang suspected o confirmed leptospirosis cases sa Baguio City ngayong taon, habang apat na pagkamatay ang naiulat, ayon sa City Health Services Office (CHSO).

Sinabi ni City Health Officer Dr. Celia Flor Brillantes nitong Lunes, Agosto 31, na naitala ang mga pagkamatay noong Hunyo at Agosto. Pawang lalaki at nasa edad 24, 26, 30 at 31 ang mga nasawi.

Gayunman, isa lamang sa apat na pagkamatay ang laboratory-confirmed na leptospirosis. Ang iba ay kabilang sa suspected cases na tinukoy batay sa sintomas at history ng exposure sa baha o putik.

Dahil sa patuloy na pag-ulan, hinikayat ng CHSO ang mga lumusong sa baha o nalantad sa posibleng kontaminadong tubig at putik na agad kumonsulta sa health facility.

May nakahandang prophylactic medicine ang lungsod para sa mga maaaring nalantad sa bacteria na nagdudulot ng leptospirosis, partikular sa mga regular na nagtatrabaho sa baha, kanal o maputik na lugar.

Kabilang sa itinuturing na mas lantad sa sakit ang mga magsasaka, construction worker, delivery rider at minero, ngunit maaari ring mahawa ang sinumang lumusong sa kontaminadong baha.

Nagbabala rin si Brillantes na dapat bantayan ang pagkakaroon ng lagnat sa loob ng dalawa hanggang 10 araw matapos ang posibleng exposure at agad magpakonsulta sa halip na hintaying lumala ang kondisyon.

Ang leptospirosis ay bacterial infection na maaaring makuha kapag nakapasok sa katawan, kabilang sa sugat, mata, ilong o bibig, ang bacteria mula sa kontaminadong tubig o lupa. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here