Home NATIONWIDE Pangasinan, state of calamity sa baha; price freeze ipinatupad

Pangasinan, state of calamity sa baha; price freeze ipinatupad

4
0

PANGASINAN — Isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Pangasinan dahil sa malawakang pagbaha at pinsalang dulot ng habagat at sunod-sunod na bagyong Luis, Maymay at Neneng.

Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan nitong Lunes, Agosto 31, ang Provincial Resolution No. 985-2026 matapos irekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang deklarasyon.

Dahil dito, ipinatutupad na rin ang price freeze sa mga pangunahing bilihin alinsunod sa Republic Act No. 7581 o Price Act upang mapigilan ang overpricing, hoarding at profiteering sa panahon ng kalamidad.

Mahigit 370,000 pamilya o nasa 1.2 milyong indibidwal na ang naapektuhan ng masamang panahon sa lalawigan, ayon sa datos na nakapaloob sa resolusyon.

Umabot naman sa tinatayang P883.8 milyon ang paunang halaga ng pinsala hanggang Agosto 30.

Kabilang dito ang P649.2 milyong pinsala sa agrikultura, P232.5 milyon sa imprastraktura at P2.1 milyon sa livestock.

Bago ang province-wide declaration, nauna nang isinailalim sa state of calamity ang Infanta, Bugallon, Lingayen, Mangatarem, Bayambang, Sta. Barbara, Mangaldan at Dagupan City.

Ayon sa Pangasinan PDRRMO, patuloy ang rescue, evacuation at monitoring operations habang nagpapatuloy ang pagbaha sa ilang lugar.

Tiniyak naman ni Gov. Ramon Guico III na mananatiling nakaalerto ang provincial government, mga LGU at response teams upang maihatid ang kinakailangang tulong sa mga apektadong residente.

Ang state of calamity declaration ay magbibigay-daan din sa mas mabilis na paggamit ng calamity funds at pagpapatupad ng relief, recovery at rehabilitation operations sa lalawigan. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here