Home NATIONWIDE Anti-dengue, anti-leptospirosis pinalakas ng DepEd

Anti-dengue, anti-leptospirosis pinalakas ng DepEd

1
0

MANILA, Philippines — Inatasan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng pampublikong paaralan sa bansa na paigtingin ang pag-iwas, monitoring at reporting ng dengue at leptospirosis sa gitna ng patuloy na pag-ulan at pagbaha.

Sa mga inilabas na advisory, pinakilos ang school heads, health personnel at iba pang kawani upang palakasin ang sanitation, maagang pagtukoy ng mga posibleng kaso at agarang referral sa health facilities.

Para sa dengue, ipinag-utos ang pagpapatupad ng Enhanced 4S Strategy ng Department of Health (DOH): search and destroy mosquito breeding sites, secure self-protection, seek early consultation at support fogging o spraying kung inirerekomenda ng local health authorities.

Kabilang din sa mga dapat regular na inspeksyunin ang classrooms, school grounds, hardin, palikuran, storage areas, gutters at drainage systems upang alisin ang naipong tubig na maaaring pamahayan ng lamok.

Isasama rin sa regular na sanitation activities ang “4Ts” — Taob, Taktak, Tuyo at Takip — sa ilalim ng 4 o’clock habit.

Para naman makaiwas sa leptospirosis, ipinagbabawal sa mga mag-aaral ang hindi kinakailangang paglusong, paglangoy o paglalakad sa baha at maputik na lugar.

Kung hindi maiiwasan ang exposure, pinapayuhan ang paggamit ng boots at gloves, pagtatakip sa mga sugat at agarang paghuhugas ng balat gamit ang malinis na tubig at sabon.

Dapat ding kumonsulta sa health facility ang mga nalantad sa baha upang malaman kung kailangan ng post-exposure prophylaxis. Binigyang-diin ng DepEd na hindi dapat basta uminom ng antibiotic o prophylactic medicine nang walang payo o reseta ng health professional.

Kasabay nito, inilunsad ng DepEd ang automated Dengue and Leptospirosis Case Monitoring and Reporting Tool para sa mga paaralan, Schools Division Offices, Regional Offices at Central Office.

Inaatasan ang mga paaralan na i-encode ang mga naiulat na kaso alinsunod sa itinakdang reporting timeline, kabilang ang pagsusumite sa loob ng 24 oras matapos matanggap ang impormasyon.

Nilinaw ng DepEd na internal monitoring mechanism lamang ang naturang sistema at hindi nito pinapalitan ang disease surveillance at notification system ng DOH at local health authorities.

“Ating ipinapanawagan sa ating mga school heads, guro, at magulang na magtulungan,” ani Education Secretary Sonny Angara.

Hinimok din niya ang mga paaralan at pamilya na panatilihing malinis ang kapaligiran, alisin ang mga pinamumugaran ng lamok at iwasang malantad ang mga bata sa baha upang mabawasan ang panganib ng pagkakasakit. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here