NANALO si Jennifer Austria-Barzaga, ina ni ex-Cong. Kiko “Meow” Barzaga, sa special election para sa 4th District, Cavite.
Pero hindi lang basta nanalo ang nurse na incumbent mayor ng Dasmarinas City kundi pinalubog at pinaanod nito sa baha ang lahat ng kanyang mga kalaban.
Sa kwenta ni Comelec Chairman George Garcia, ipinagkatiwala ng halos 202,000 botante ang kinabukasan ng distrito kay ngayo’y Cong. Jenny hanggang 2028 at hahalili sa kanya bilang mayor ang anak niya at kapatid ni ex-Cong. Meow na si Vice Mayor Third Barzaga.
Sa 56% kabuuang bumoto, nasa 57,000 lang ang pinagsama-samang boto para kina Raul Rex Mangubat na nakakuha ng 30,373 boto; Jacinto Frani Jr. – 24,350; Marvin Dupal-Ag – 1,184; at Leysander Ordenes – 561.
Idinaos ang nasabing eleksyon makaraang patalsikin si Cong. Meow ng higit na nakararaming kongresman dahil sa walang tigil nitong pagsasabing lungga ng mga buwaya ang Kamara.
Kung titingnan ang relasyon ng mag-inang Jenny at Kiko, hindi sinaway ng una ang huli sa pagsasabing lungga ng mga buwaya ang Kamara.
At sinalo nito ang posisyong nabakante ng kanyang anak.
Subalit higit na mahalagang tingnan ang katotohanang ang mga mamamayan mismo ang nagpasyang manatili sa kanilang buhay bilang mga lider ang mga Barzaga.
At binigo ng mga mamamayan ang mga makapangyarihang politiko na may gustong hawakan ang lone district ng lungsod.
Ano kaya ang mga susunod na mangyari sa darating na mga buwan at taon hanggang 2028, partikular sa distritong ito na may nasa 500,000 botante?
Iniisip natin, magkakaroon din ba ng epekto ito sa mga naghaharing-uri sa Cavite sa halalang 2028?
Sinasabi kasi ng iba na gustong sakupin ang Dasmarinas City ng ilang makapangyarihang politiko para isama sa kanilang pampulitikang imperyo at isang paraan ang pagbura nila sa mga Barzaga sa lugar.
Ano nga kaya ang mangyayari?






