Home OPINION BAGYO MALALAKAS SA BER MONTHS

BAGYO MALALAKAS SA BER MONTHS

5
0

HINDI pa tapos ang mga pag-ulan bagaman bahagyang nagpahinga ang buong bansa rito sa araw na tinitipa ito.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, pareho ang buwang Setyembre at Oktubre 2026 na magkakaroon ng nasa 2-4 na bagyo.

Sinabi pa ng PAGASA na kasagsagan ng mga bagyo ang mga buwan ng Setyembre hanggang Nobyembre.

Minimum namang magkakabagyo ng pitong beses hanggang sa katapusan ng taong ito.

Nauna rito, nitong buwan ng Hulyo, sinabi ng PAGASA na may mga darating na malalakas o super bagyo.

May nagsidatingan nga ngunit nagpapasalamat tayo na hindi gaanong naminsala sa atin gaya ni Inday na dumating noong Hulyo 8 at si Obet na dumating nitong Agosto 24.

Kahapon, nasa mga norte ng Pilipinas ang mga bagyong Obet at Pilandok bagaman may low pressure area ngayon sa silangan ng Visayas-Mindanao ngunit malayo pa ito

Itong si Obet at dalawang low pressure area sa norte ang humahatak sa habagat para magpaulan nang magpaulan sa malalaking bahagi ng bansa na dahilan ng mga nakamamatay at nakasisirang pagbaha.

TULOY-TULOY NA BAHA

Siyempre pa, mga Bro, nangangahulugan lahat ng pagkakaroon natin ng masamang panahon na kakambal ng tag-ulan ng napakaraming pagbaha.

Sa gitna ng ganitong sitwasyon, naaalala natin ang lahat ng pagbaha hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba pang mga lugar sa Central Luzon, Northern Luzon at Southern Luzon.

Meron din sa Negros Occidental, Iloilo, Antique at Guimaras sa Kabisayaan habang nagkabaha-baha rin sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN at Caraga.

8M TINAMAAN

Bagaman may mga nagpapasalamat sa pagdating mga ulan at bagyo gaya ng mga magsasaka na hindi gaanong nasiraan ng mga pananim at tahanan, higit na nakararami ang napinsala sa mahigit nang 8 milyong indibidwal na tinamaan.

Ayon sa Office of Civil Defense, sa kabuuan, umabot na sa 32 ang namatay, bukod pa ang mahigit 200 nang namatay sa leptospirosis dahil sa baha.

Nasa 43,500 katao pa rin ang nasa 523 evacuation center habang may 3,200 houses ang nasira, kasama ang mga tinangay ng mga baha.

Bilyones na piso na rin ng mga ari-ariang pribado at pampubliko na nasira.

Ang mga ordinaryong mamamayan at pribado, hindi basta makababawi sa mga nasirang ari-arian at hanapbuhay ngunit kabaligtaran dito ang pamahalaan dahil may buwis itong pinagkukunan ng pondo para muling gawin ang mga nasirang ari-arian nito.

MAGHANDA SA MAS MALALAKAS

NA BAGYO, ULAN, BAHA

Bilang pagbabalik sa babala ng PAGASA na kasagsagan ng mga bagyo, at posibleng malalakas, sa mga buwan ng Setyembre hanggang Nobyermbre, dapat tayong maghanda, mga Bro.

Hindi pupwedeng basta tanggapin na lamang na bahagi na ng ating mundo at bansa ang ganitong panahon, gaya ng sinasabi ng mga lider ng bansa.

Meron at meron tayong magagawa para baguhin ang sitwasyon, lalo na ang laban sa baha mula sa habagat, ulan at bagyo.

Dapat manguna sa paghahanda ang mga lider ng bansa para sa proteksyon at kapakanan ng mga mamamayan sa halip na ipatanggap sa kanila na ganito na ang normal na buhay.

Dapat na nilang itigil ang pagnanakaw at pagmumulto sa mga pondong bayan laban sa baha at, sa halip, gamitin ang mga ito para sa mga tama at matitibay na proyekto para sa kaligtasan at laban sa kagutuman at paghihirap.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here