MANILA, Philippines — Posibleng lumakas bilang tropical storm sa loob ng susunod na 12 oras ang Tropical Depression Pilandok habang nananatili itong malayo sa kalupaan ng Pilipinas, ayon sa PAGASA nitong Martes, Setyembre 1.
Sa 5 a.m. tropical cyclone bulletin, huling namataan ang sentro ng Pilandok sa layong 1,050 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 55 kilometro kada oras (kph) malapit sa sentro at pagbugsong umaabot sa 70 kph. Kumikilos ito west-northwestward sa bilis na 10 kph.
Wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA, inaasahang dahan-dahang liliko ang Pilandok patungong east-northeast at pagkatapos ay pahilaga sa susunod na 24 oras bago kumilos generally north-northwestward.
Mababa ang posibilidad na mag-landfall ang bagyo sa Pilipinas at inaasahang mananatili itong malayo sa Philippine landmass. Posible rin itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Miyerkules ng gabi, Setyembre 2, o Huwebes ng umaga, Setyembre 3.
Samantala, patuloy na magdadala ang habagat ng strong to gale-force gusts sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas at ilang bahagi ng Mindanao hanggang Huwebes.
May gale warning din sa northern at western seaboards ng Northern Luzon, kung saan maaaring umabot sa limang metro ang taas ng alon sa ilang baybayin.
Pinag-iingat ng PAGASA ang publiko, partikular ang mga nasa lugar na madaling bahain at magkaroon ng landslide, at pinayuhang patuloy na subaybayan ang mga susunod na weather bulletin at lokal na rainfall advisories. Santi Celario