MANILA, Philippines — Muling sumirit ang presyo ng langis sa world market dahil sa panibagong bakbakan ng Estados Unidos at Iran, isang development na maaaring magdagdag ng pressure sa presyo ng gasolina, diesel at iba pang produktong petrolyo sa Pilipinas kung magpapatuloy ang pagtaas.
Umakyat sa $91.05 kada barrel ang Brent crude habang nasa $86.59 kada barrel ang West Texas Intermediate (WTI) nitong Martes, Setyembre 1, matapos ding tumaas nang mahigit dalawang porsiyento ang parehong benchmark noong nakaraang araw.
Muling uminit ang tensyon matapos umatake ang Estados Unidos sa Iranian rocket launchers sa Strait of Hormuz at gumanti naman ang Iran sa pamamagitan ng missile strikes laban sa US military targets sa Jordan.
Mahalaga sa Pilipinas ang paggalaw ng global oil prices dahil umaasa ang bansa sa imported na langis at petroleum products. Batay sa pinakahuling Philippine Energy Situationer ng Department of Energy (DOE), pangunahing nagmumula sa Middle East ang crude oil imports ng bansa, kabilang ang Saudi Arabia, United Arab Emirates at Iraq.
Ang Strait of Hormuz naman ay isa sa pinakamahalagang oil shipping routes sa mundo. Bago ang matinding disruption ngayong taon, humigit-kumulang 20 porsiyento ng global petroleum liquids consumption ang dumaraan dito, ayon sa US Energy Information Administration.
Dahil dito, anumang sagupaan na nagbabanta sa oil production o pagdaan ng mga tanker sa Hormuz ay maaaring magpataas ng presyo ng crude at petroleum products sa international market.
Kapag nagtagal ang mataas na presyo ng langis, maaari itong maramdaman hindi lamang ng mga motorista kundi maging ng public utility vehicle operators, delivery services at mga negosyo dahil bahagi ang fuel cost sa gastos sa transportasyon at paghahatid ng mga produkto.
Sa ngayon, wala pang bagong opisyal na anunsyo ang DOE o mga oil company na nagsasabing ang pinakahuling pagsirit ng world oil prices ay awtomatikong magreresulta sa panibagong pump-price increase sa Pilipinas. Dave Medina