MANILA, Philippines — Umakyat sa 56 Chinese naval at coast guard vessels ang namonitor sa apat na bahagi ng West Philippine Sea (WPS) noong Agosto, mula sa 48 barko noong Hulyo, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa datos na inilabas nitong Martes, Setyembre 1, sinabi ni AFP spokesperson for the WPS Rear Adm. Roy Vincent Trinidad na binubuo ang August count ng 41 China Coast Guard (CCG) vessels at 15 People’s Liberation Army Navy (PLAN) warships.
Kapansin-pansin ang pagtaas ng presensya ng Chinese naval vessels. Noong Hulyo, walong PLAN ships lamang ang namonitor sa parehong apat na lugar, kumpara sa 15 nitong Agosto.
Pinakamarami ang Chinese vessels sa Bajo de Masinloc, kung saan 23 ang namonitor — 14 CCG vessels at siyam na PLAN warships.
Nakapagtala naman ang AFP ng 18 Chinese vessels sa Ayungin Shoal, na binubuo ng 17 CCG at isang PLAN; siyam sa Escoda Shoal, kabilang ang limang CCG at apat na PLAN; at anim sa paligid ng Pag-asa Islands, kabilang ang limang CCG at isang PLAN.
Kumpara noong Hulyo, pinakamalaki ang pagtaas sa Escoda Shoal, mula apat patungong siyam na barko. Sa Ayungin Shoal, tumaas mula 14 patungong 18, habang bahagyang nadagdagan mula 22 patungong 23 ang nasa Bajo de Masinloc.
Bumaba naman mula walo patungong anim ang namonitor sa Pag-asa Islands.
Patuloy na mino-monitor ng AFP ang galaw ng mga dayuhang barko bilang bahagi ng maritime domain awareness operations nito sa WPS.
Nananatiling pinag-aagawan ang ilang bahagi ng South China Sea, kung saan may magkakapatong na maritime claims ang Pilipinas, China at ilang iba pang bansa.
Noong 2016, pinagtibay ng arbitral tribunal sa The Hague na walang legal na batayan sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang pag-angkin ng China ng historic rights sa mga resources sa loob ng tinatawag nitong “nine-dash line” na lumalampas sa mga karapatang pinahihintulutan ng UNCLOS. Hindi kinikilala ng Beijing ang arbitral award. Dave Medina