MANILA, Philippines — Hinamon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na ilabas ang ebidensya sa alegasyong maaaring nasayang ang P3.713 bilyong pondo ng gobyerno sa flood control at infrastructure projects sa Taguig Lakeshore.
Iginiit ni Cayetano na patuloy na napapakinabangan ng publiko ang Lakeshore para sa health, education, leisure, negosyo at iba pang aktibidad.
“Hindi po sinayang at hindi sinasayang ang Lakeshore. Let’s not let politics rob this generation and future generations of the opportunity to reap its benefits,” ani Cayetano sa pahayag nitong Agosto 31.
Hinamon din niya si Lacson na dalhin sa tamang proseso ang anumang ebidensyang maaaring magpatunay ng iregularidad.
“If there is evidence against DPWH, Taguig, or against me, then present it. Stop the theatrics and let the evidence do the talking in the proper judicial venue where fairness is assured,” ani Cayetano.
Nauna namang sinabi ni Lacson na batay umano sa official records at imbestigasyon ng kanyang team, umabot sa P3.713 bilyon ang halaga ng completed, ongoing at suspended Department of Public Works and Highways (DPWH) projects sa mga bahagi ng Laguna Lakeshore sa Taguig na kanyang tinutukoy na “illegal” reclamation areas.
Ayon kay Lacson, hindi pa kasama sa naturang halaga ang iba pang slope protection at flood mitigation projects sa Taguig River na pinaghihinalaan niyang may double appropriations at “ghost” projects.
Sinabi rin ng senador na isusumite sa fact-finding team ng Office of the Ombudsman ang pinakahuling findings ng kanyang grupo para sa kaukulang imbestigasyon.
Samantala, ipinahinto na ng DPWH ang ilang proyekto sa Lakeshore habang sinusuri ang mga isyung nakapalibot sa reclamation at mga imprastrakturang itinayo sa lugar.
Wala pang pinal na desisyon ang Ombudsman o ibang hukuman na nagpapatunay sa mga alegasyon ni Lacson hinggil sa umano’y anomalya o ilegalidad ng mga proyekto. RNT