Home TOP STORIES Villar, itinutulak mas mataas na tax exemption para sa mga manggagawa

Villar, itinutulak mas mataas na tax exemption para sa mga manggagawa

3
0

MANILA, Philippines — Hinimok ni Senador Mark Villar ang mga tagapamahala ng ekonomiya ng bansa na pag-aralan at suportahan ang pagtataas sa taunang income tax exemption ceiling upang madagdagan ang maiuuwi sa sahod ng mga manggagawang Pilipino.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance kaugnay ng panukalang 2027 national budget, sinabi ni Villar na maaaring makatulong ang tax relief sa pagpapasigla ng konsumo ng mga pamilya, lalo na sa gitna ng paghina ng consumer spending at paggasta ng pamahalaan.

Inihain ni Villar ang Senate Bill No. 2137 na naglalayong itaas sa ₱360,000 mula ₱250,000 ang taunang taxable income na hindi papatawan ng personal income tax. Ang panukala ay kabilang sa ilang tax relief measures na inihain sa Senado ngayong Kongreso.

“Kung mababa ang government spending at humihina rin ang consumption, ang pagpapataas sa income tax exemption ceiling ay magbibigay ng agarang ginhawa sa ating low- at middle-income workers,” ani Villar.

Ayon sa senador, sa halip na kolektahin bilang buwis, maaaring manatili sa bulsa ng mga manggagawa ang dagdag na pera at magamit sa pagkain, kuryente, pamasahe, edukasyon at iba pang pangangailangan ng pamilya.

Iginiit niyang maaari ring makatulong ang hakbang sa pagpapasigla ng ekonomiya dahil maaaring bumalik sa sirkulasyon ang perang matitipid sa buwis sa pamamagitan ng mas mataas na paggastos ng mga sambahayan.

“Isa itong paraan ng pump-priming. May epekto man ito sa revenues, ang perang hindi na kukunin bilang buwis ay maaari namang bumalik sa ekonomiya sa pamamagitan ng mas mataas na household consumption,” ani Villar.

Nilinaw naman niya na hindi layunin ng tax relief na palitan ang mga programang ayuda ng gobyerno para sa mahihirap, mga biktima ng kalamidad at mga manggagawa sa informal sector.

“Hindi ko sinasabing alisin ang ayuda. Mahalaga pa rin ang direktang tulong, lalo na para sa pinakamahihirap at sa mga biktima ng kalamidad. Pero kailangan din nating bigyan ng relief ang mga manggagawang regular na nagbabayad ng buwis at patuloy na nahihirapan dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin,” aniya.

May hiwalay namang panukala ang administrasyong Marcos na itaas sa ₱350,000 ang kasalukuyang ₱250,000 personal income tax exemption threshold. Tinataya ng Department of Finance na aabot sa humigit-kumulang ₱60 bilyon ang maaaring hindi makolektang kita ng pamahalaan kapag ipinatupad ang naturang ₱350,000 threshold.

Gayunman, sinabi ni Villar na hindi lamang epekto sa koleksiyon ang dapat tingnan kundi pati ang maaaring pakinabang nito sa mga manggagawa at sa ekonomiya.

Binigyang-diin din niya na mas direkta ang tax relief dahil hindi na kailangang dumaan ang mga benepisyaryo sa aplikasyon o pamamahagi ng ayuda.

“Direkta itong mapupunta sa mga manggagawa. Wala nang mahabang proseso, wala nang distribution costs, at wala nang bureaucratic inefficiencies. Agad nilang mararamdaman ang benepisyo sa kanilang suweldo,” ani Villar.

Sinabi naman ni Economy, Planning and Development Secretary Arsenio Balisacan na kailangang isaalang-alang ang epekto ng inflation mula nang ipatupad noong 2018 ang ₱250,000 tax-free threshold sa ilalim ng TRAIN Law. Ang kasalukuyang threshold ay itinakda nang magkaroon ng malaking pagbabago sa personal income tax system noong 2018.

Para kay Villar, ang pagtataas sa exemption ceiling ay maaari ring ituring na pag-aangkop sa epekto ng inflation sa tunay na halaga ng kita ng mga manggagawa.

Umaasa ang senador na masusing pag-aaralan ng Department of Finance at iba pang economic agencies ang kanyang panukala at timbangin ang posibleng bawas sa koleksiyon laban sa dagdag na disposable income na maiiwan sa mga manggagawa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here