MANILA, Philippines — Lumakas bilang tropical storm ang Tropical Depression Pilandok, na may international name na Krovanh, nitong Martes ng umaga, ayon sa PAGASA.
Sa 10 a.m. update, sinabi ng PAGASA na naging tropical storm si Pilandok bandang 8 a.m. habang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Bahagyang lumakas ito at may maximum sustained winds na 65 kilometers per hour (kph) at pagbugsong hanggang 80 kph. Huli itong namataan sa layong 1,060 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon bandang 8 a.m.
Samantala, tatlo pang weather disturbances ang binabantayan sa labas ng PAR. Kabilang dito ang Tropical Storm Saudel, na nasa humigit-kumulang 900 kilometro kanluran ng extreme Northern Luzon, na may lakas ng hangin na 65 kph at pagbugsong hanggang 90 kph.
Ayon din sa PAGASA, humina naman bilang low-pressure area (LPA) ang isa pang tropical depression at malabong muling maging tropical cyclone sa loob ng susunod na 24 oras.
Isa pang LPA sa labas ng bansa ang may medium chance na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras. RNT/MDS