MANILA, Philippines – Tiniyak ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) na may mga nakalatag na mahigpit na alituntunin at safeguard upang matiyak na magiging malinis, walang pampolitikang paboritismo, at patas ang pamamahagi sa panukalang P58.32-billion Local Government Support Fund (LGSF) para sa taong 2027.
Ang naturang pondong inilaan para sa mga local government units (LGUs) ang itinuturing na pinakamalaking LGSF allocation sa kasaysayan ng bansa.
Ayon kay LMP president at Echague, Isabela Mayor Faustino Dy V, siguradong pantay-pantay na matatanggap ng mga lalawigan, lungsod, at munisipalidad ang pondo.
“Guard rails have been put in place by the DBM to ensure the equitable and proportionate distribution of the LGSF among all provincial, city and municipal governments, in keeping with the directive of the President that the release of such funds for all local governments nationwide should be free from partisan interests,” pahayag ni Dy.
Binigyang-diin ng alkalde na ang mga panuntunang itinakda ng Department of Budget and Management (DBM) ay idinisenyo upang makatanggap ang bawat LGU anuman ang kinabibilangang partidong politikal.
Pinasalamatan din ng LMP si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa makasaysayang pondong inilaan sa panukalang 2027 national budget.
“The DBM has come up with a menu of options as to what projects or programs can be bankrolled by LGU executives from their respective LGSF outlays,” dagdag pa ni Dy.
Ayon pa sa LMP president, ang record allocation na ito ay nagpapakita ng tiwala at kumpyansa ng Pangulo sa kakayahan ng mga lokal na pamahalaan.
“We will not fail the President. We will make sure that the funds are spent wisely based on the DBM’s guidelines and subject to strict auditing and accountability rules,” giit pa nito.
Inilarawan din ni Dy ang LGSF bilang isang “equity tool” na tumutulong upang maging mas patas ang distribusyon ng pondo at maiwasan ang patronage politics.
Kabilang sa mga proyektong popondohan nito ay ang pamamahagi ng 10 kilong libreng bigas bawat dalawang buwan sa halos walong milyong pamilyang Pilipino, farm-to-market roads, water systems, health facilities, at multipurpose buildings na magsisilbing evacuation centers.
Sa ilalim ng panukalang P58.32-billion LGSF ay nasa P37.49 billion angb Financial assistance sa mga LGUs, P10.3 billion bilang Growth Equity Fund, P9.74 billion para sa Barangay Development Program ng NTF-ELCAC at P1 billion para sa Participatory budgeting support.
Nabatid na ang pondong ito ay hiwalay na National Tax Allotment (NTA) ng mga LGU.
Sa nakalaang NTA, ang 1,491 munisipalidad sa bansa ang makatatanggap ng pinakamalaking pinagsamang alokasyon na P448.70 billion, samantalang P303.56 billion ang mapupunta sa 83 lalawigan, P303.56 billion sa 149 lungsod, at P263.97 billion para sa 41,912 barangay. Gail Mendoza