Home NATIONWIDE Patas na imbestigasyon sa insidente ng pagtatalo ng PWD, sekyu sa mall...

Patas na imbestigasyon sa insidente ng pagtatalo ng PWD, sekyu sa mall sa Kyusi ipinanawagan ng DSWD

3
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa patas na imbestigasyon sa nag-viral na insidente ng pagtatalo sa pagitan ng isang person with disability at ng security guard ng isang bookstore sa loob ng isang shopping mall sa Quezon City noong nakaraang linggo.

“Anuman ang naging dahilan o kung may naganap mang paglabag sa batas sa nasabing insidente, hindi dapat dumanas ng karahasan, labis na pwersa, o kahihiyan ang sinumang inaakusahan ng pagkakasala – may kapansanan man sila o wala. Hinihimok namin ang lahat ng kinauukulang awtoridad na magsagawa ng patas na imbestigasyon at tiyakin ang maayos at magalang na pagtrato kaugnay ng insidenteng ito,” pahayag ni Asst. Secretary Irene Dumlao, ang tagapagsalita ng DSWD, noong Martes (Setyembre 1).

Inilabas ng DSWD ang pahayag bilang suporta sa ahensiyang nasa ilalim nito, ang National Council on Disability Affairs (NCDA), na nanawagan para sa patas na pagtrato at pagsunod sa tamang proseso sa paghawak ng mga kasong kinasasangkutan ng mga person with disability.

Kaugnay nito pinuri ni Asst. Secretary Dumlao ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa mabilis na pagtugon nito sa insidente.

“Pinupuri namin ang agarang aksyon ng QC – Persons with Disability Affairs Office (PDAO) sa pagbibigay ng angkop na tulong sa nasabing person with disability at sa kanilang pamilya,” wika ng tagapagsalita ng DSWD.

Pinaalalahanan din ni Dumlao ang mga establisyimento na tiyaking nabibigyan ng makatwirang akomodasyon at magalang na pagtrato ang mga person with disability sa loob ng kanilang mga pasilidad.

“Pinaaalalahanan namin ang mga negosyo at ang kanilang mga kawani na isaalang-alang ang kaligtasan at seguridad ng publiko. Dapat laging unahin ang pagpapakalma sa sitwasyon (de-escalation) at angkop na interbensyon kaysa sa karahasan, lalo na kapag nakikitungo sa mga indibidwal na nasa bulnerableng kalagayan, kabilang na ang mga person with disability,” diin ng tagapagsalita ng DSWD.

“Makakaasa kayo na patuloy na makikipag-ugnayan ang DSWD at NCDA sa mga kinauukulang awtoridad habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kaso. Handa kaming magbigay ng angkop na tulong kung saan man ito kinakailangan,” dagdag pa ni Asst. Secretary Dumlao. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here