OCCIDENTAL MINDORO, Philippines – Pormal nang isinailalim sa state of calamity ang buong lalawigan ng Occidental Mindoro dahil sa pinsalang dulot ng Southwest Monsoon o Habagat at Tropical Depressions Maymay at Neneng.
Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang resolusyon matapos itong irekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na pinamumunuan ni Gov. Eduardo B. Gadiano.
Batay sa pagtatasa ng PDRRMC, umabot sa ₱2.195 bilyon ang kabuuang pinsala sa iba’t ibang sektor, kabilang ang imprastraktura at agrikultura, na kabilang sa pinakamalubhang naapektuhan ng matagal na pag-ulan.
Dahil sa deklarasyon, maaaring mabilis na makapagpakilos ng pondo at iba pang resources ang pamahalaang panlalawigan at mga kinauukulang ahensya upang matulungan ang mga apektadong komunidad at sektor.
Humihiling din ang lalawigan ng ₱25.726 milyon na Quick Response Fund (QRF) para matugunan ang agarang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng kalamidad.
Patuloy namang sinusuri at tinutugunan ng mga awtoridad ang pinsalang dulot ng masamang panahon sa Occidental Mindoro. RNT/MDS