Home NATIONWIDE Climate change education, mas konkretong aksyon hiniling ni PBBM

Climate change education, mas konkretong aksyon hiniling ni PBBM

1
0

MANILA, Philippines – Hiniling ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Education (DepEd) na ituro sa mga bata, kahit sa murang edad, ang climate change at epekto nito sa kapaligiran at mga komunidad, kasunod ng matinding pagbaha dulot ng malakas na monsoon rains, partikular sa Central Luzon.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, mahalagang maitanim sa mga mag-aaral ang climate-change awareness upang maging handa sila sa mas matinding epekto nito sa mga susunod na taon.

“Sa DepEd, ituro sa mga bata, kahit sa murang edad ay makatulong na sila,” ani Castro.

“Sa mga estudyante, ang role ng bawat isa ay maging handa sa epekto ng climate change, mas maging malala ang epekto nito sa mga susunod pang taon, huwag nating paabutin sa ganoong kondisyon,” aniya.

Hinimok din ang mga komunidad na makibahagi sa climate action.

“Sa bawat barangay , ipaabot natin na ang bawat residente ay may ambag para mabawasan ang malaking epekto ng climate change,” ani Castro.

Kabilang sa simpleng hakbang ang proper waste disposal, environmental cleanup, at pagpapanatiling walang bara ang mga daluyan ng tubig upang makatulong na mabawasan ang pagbaha at iba pang climate-related risks.

“Mula sa maayos na pagtatapon ng basura, paglilinis ng kapaligiran, pagtatanggal ng bara sa daluyan ng tubig, hindi ito maliit na bagay,” anito.

Samantala, iniutos ni Pangulong Marcos ang mas mahigpit at konkretong hakbang laban sa lumalaking epekto ng climate change, kabilang ang pagpapatupad ng mga kinakailangang polisiya, batas at programa upang maprotektahan ang mga komunidad.

“Matagal na pong nababanggit ng Pangulo about climate change, inaaral niya kasi ito,” ani Castro.

“Dapat natin itong paghandaan at lahat ng mga polisiya, batas, ay dapat ipatupad. Iyan ang nais ng Pangulo,” ani Castro.

Tinutukan din ng Pangulo ang imprastraktura at mga proyektong kinakailangan upang mapalakas ang proteksyon ng publiko. Binigyang-diin ni Castro na hindi dapat sisihan ang mga pagkukulang ng nakaraan kundi agad itong itama.

“Hindi tayo kailangan magsisihan, kaya kung anuman iyong naging pagkukulang noong nakaraang namuno, hindi po ito papayagan ng Pangulo,” ani Castro.

“Tutok po siya, lalung-lalo na sa epekto po ng climate change dahil mas nakikita po natin at mas nararanasan natin ang hagupit ng puwersa ng kalikasan,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Castro na hindi na lamang akademikong usapin ang climate change dahil aktuwal na itong nararanasan sa mas malalakas na pag-ulan at pagbaha.

“Hindi na po ito parang subject sa ating science na pinag-uusapan lamang dahil nandito na po, realidad na po ito,” ani Castro.

Palalakasin din ng pamahalaan ang koordinasyon sa Climate Change Commission upang matukoy ang mga kakulangan sa pagpapatupad ng climate policies at agad na maihain sa Pangulo ang mga rekomendasyon para sa kinakailangang aksyon. Binigyang-diin ng Malakanyang na ang maagap na paghahanda at pagkilos ang pangunahing tugon sa lumalaking climate risks. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here