TARLAC CITY — Dalawa na sa apat na nawawalang sakay ng multi-purpose vehicle (MPV) na nahulog sa Tarlac River matapos gumuho ang bahagi ng Agana Bridge ang natagpuang patay, habang patuloy na hinahanap ang dalawa pa.
Base sa pulisya, isang bangkay ang narekober sa karagatan ng Barangay Pugaro sa Dagupan City, Pangasinan matapos makatanggap ng impormasyon ang Philippine Coast Guard (PCG) hinggil sa isang katawan na palutang-lutang sa lugar.
Isa pang bangkay ang natagpuan sa Barangay Vicente sa Bayambang, Pangasinan. Kinumpirma ni Tarlac City Mayor Susan Yap na ang nasawing babae ay kabilang sa mga sakay ng MPV.
Patuloy naman ang search, rescue and retrieval operations para sa dalawa pang nawawala.
“Dalawa pa po ang hindi pa natatagpuan kaya patuloy pa rin ang search, rescue, and retrieval operations,” ayon kay Yap.
Lima ang sakay ng MPV nang mahulog ito sa Tarlac River kasabay ng pagguho ng bahagi ng Agana Bridge sa Barangay Tibag noong gabi ng Agosto 29. Isa sa kanila ang agad na nasagip habang apat ang unang naiulat na nawawala.
Gumuho ang tulay sa gitna ng malakas na pag-ulan at rumaragasang tubig dulot ng Habagat. Nauna ring nasira ang bahagi ng Ninoy Aquino Bridge sa Tarlac City. Mary Anne Sapico