MANILA, Philippines — Pansamantalang isasara ang ilang kalsada sa paligid ng University of Santo Tomas (UST) at San Beda University sa Setyembre 6, 9 at 13 para sa pagsasagawa ng 2026 Bar Examinations, ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Sa Mendiola area, isasara mula alas-2 ng madaling araw hanggang alas-7 ng gabi ang Mendiola Street mula Peace Arch hanggang Concepcion Aguila Street at Concepcion Aguila Street mula Mendiola hanggang Jose P. Laurel Street.
Bahagya ring isasara ang eastbound lane ng Legarda Street mula San Rafael Street hanggang Mendiola sa parehong oras.
Sa paligid naman ng UST, ganap na isasara ang Dapitan Street mula Lacson Avenue hanggang P. Noval Street mula alas-2 ng madaling araw hanggang alas-7 ng gabi sa tatlong araw ng pagsusulit.
Sa España Boulevard, dalawang westbound lane mula Gate 2 hanggang P. Noval Street ang isasara sa Setyembre 6 at 9 mula alas-2 hanggang alas-8 ng umaga at muli mula alas-3 hanggang alas-7 ng gabi.
Sa Setyembre 13, dalawang westbound lane sa naturang bahagi ng España Boulevard ang isasara mula alas-2 hanggang alas-8 ng umaga, habang lahat ng westbound lane mula Lacson Avenue hanggang P. Noval Street ay ganap na isasara mula alas-3 hanggang alas-7 ng gabi.
Pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang mga motorista at commuter na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe at gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang abala.
Kinumpirma naman ng Supreme Court na gaganapin ang 2026 Bar Examinations sa Setyembre 6, 9 at 13. Umabot sa 14,291 ang nagparehistrong aplikante ngayong taon, ang pinakamataas na bilang sa kasaysayan ng Bar examinations. RNT