MANILA, Philippines — Lumampas na sa ₱3 bilyon ang paunang halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura sa Central Luzon dahil sa magkakasunod na bagyo at matinding pag-ulan dulot ng Habagat, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) Region 3.
Sa panayam sa state-run PTV nitong Martes, sinabi ni OCD Region 3 information officer Liezel Cayanan na mahigit ₱1 bilyon na ang pinsala sa sektor ng agrikultura, na nakaapekto sa 27,776 magsasaka at mangingisda sa rehiyon.
Tinatayang ₱2 bilyon naman ang pinsala sa imprastraktura, kabilang ang mga irrigation facility.
Umabot na rin sa tinatayang 1.2 milyong pamilya o apat na milyong indibidwal ang naapektuhan ng Habagat at mga nagdaang tropical cyclone sa Central Luzon.
Mahigit 18,000 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa mahigit 800 evacuation centers, kung saan patuloy ang pamamahagi ng pagkain at iba pang tulong mula sa mga local government unit, Department of Social Welfare and Development, Department of Health at OCD.
Nakapagtala rin ang OCD ng 647 binahang barangay sa Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Bataan, Tarlac at Zambales.
Samantala, 1,042 bahay ang bahagyang nasira dahil sa matinding pag-ulan, soil erosion at mga natumbang puno habang 161 bahay naman ang naiulat na totally damaged.
Kabilang ang Pampanga sa pinakamalubhang tinamaan ng patuloy na pagbaha, kung saan daan-daang barangay ang nananatiling lubog sa tubig.
Nilinaw ng OCD na paunang datos pa lamang ang mga bilang at maaari pang magbago habang nagpapatuloy ang assessment at consolidation ng mga ulat mula sa mga apektadong lugar. Dave Medina