MANILA, Philippines – Hindi pa kinokonsidera ng gobyerno na parusahan ang management ng North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa napakatagal na pagka-stranded ng mga motorista dulot ng pagbaha.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang usapin ukol sa posibleng parusa ay hindi napag-usapan sa miting ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ang mga kinauukulang opisyal sa Palasyo ng Malacañang.
“Hindi napag-usapan kung anumang sanction. Ang nasa proposal po ng Pangulo ay paano po matutulungan iyong mga naipit nating mga kababayan sa NLEX,” ayon kay Castro.
Tinanong si Castro kung sino ang mag-uutos sa Toll Regulatory Board (TRB) na patawan ng parusa ang NLEX management kasunod ng mga reklamo ng mga motorista na pinayagang pumasok sa expressway sa kabila ng matinding trapiko at kondisyon ng pagbaha.
Sa ulat, matinding pagbaha ang naranasan sa kahabaan ng NLEX, partikular na sa San Simon at malapit sa San Simon Interchange sa Pampanga, na nagdulot ng ilang oras na pagkaipit sa trapiko.
Ang matinding pagbara ng mga sasakyan ay dulot ng pag-apaw ng Pampanga River sa gitna ng nagpapatuloy na monsoon rains.
Winika pa ni Castro na ang kasalukuyang concern ni Pangulong Marcos ay ang pagaanin ang sitwasyon ng mga motorista na na-stranded sa kahabaan ng pangunahing expressway sa gitna ng matinding pagbaha sa Gitnang Luzon.
“Hindi po sa ngayon ang pag-sanction ang inuuna ng Pangulo, kundi ang kaginhawaan ng ating mga motorista,” ani Castro.
Kinilala naman ni Castro ang naunang panukala na gamitin ang bahagi ng Candaba Swamp sa Pampanga bilang water-impounding area para makatulong na pagaanin ang pagbaha.
Aniya, ang panukala ay tinapatan ng pagkontra dahil sa alalahaning maaapektuhan ang agricultural lands.
Ani Castro, dapat suriin ng gobyerno ang consequences ng naunang pagkontra sa proyekto, subalit binigyang-diin na hindi maninisi ang administrasyon. Kris Jose






