Home NATIONWIDE 7 lugar sa Metro Manila ‘unhealthy for sensitive groups’ sa haze

7 lugar sa Metro Manila ‘unhealthy for sensitive groups’ sa haze

3
0

MANILA, Philippines — Pitong air quality monitoring stations sa Metro Manila ang nakapagtala ng “unhealthy for sensitive groups” na antas ng polusyon nitong Miyerkoles ng umaga, Setyembre 2, habang patuloy na nakaaapekto sa bansa ang haze mula sa mga sunog sa Indonesia.

Batay sa alas-6 ng umagang monitoring ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau-National Capital Region (DENR-EMB-NCR), mataas ang antas ng fine particulate matter o PM2.5 sa mga sumusunod na lugar:

Makati — AQI 139
Parañaque — AQI 131
Las Piñas — AQI 129
Malabon — AQI 108
Quezon City (SMPH Commonwealth) — AQI 106
Quezon City (Ateneo) — AQI 101
Taguig (TUP) — AQI 101

Mas mababa na ang mga naitalang AQI kumpara noong Martes ng gabi, kung kailan umabot sa “acutely unhealthy” ang air quality sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Nauna nang sinabi ng DENR-EMB na ang haze ay iniuugnay sa usok mula sa mga sunog sa Kalimantan, Indonesia na dinadala patungo sa Pilipinas ng Habagat. Posible umanong maranasan ang haze hanggang Setyembre 3 habang nananatiling aktibo ang mga sunog at umiiral ang southwest monsoon.

Pinapayuhan ang mga residente, partikular ang mga bata, senior citizen, buntis at mga may respiratory o cardiovascular conditions, na bawasan ang matagal na outdoor activities at bantayan ang anumang sintomas.

Ang mga kinakailangang lumabas ay pinapayuhang gumamit ng N95 o katumbas na respiratory protection.

Samantala, sinabi ng Department of Health (DOH) na wala pa itong naitatalang pagtaas sa hospital admissions o medical consultations na iniuugnay sa haze, ngunit patuloy nitong mino-monitor ang posibleng epekto nito sa kalusugan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here