MANILA, Philippines — Binabantayan ng Department of Health (DOH) ang posibleng pagtaas ng mga nagpapaospital at nagpapakonsulta dahil sa haze na nakaaapekto sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas.
Sa isang ulat, sinabi ni DOH Environmental and Occupational Health Division chief Dr. Gabriel Borlongan na wala pang naitatalang pagtaas sa hospital admissions o consultations na direktang iniuugnay sa haze.
“Sa ngayon po, nagmo-monitor pa rin po tayo pero wala pa pong nare-report po na naitatala na mas marami ang na-ospital, nagpapakonsulta, inuubo, o kaya lumalala ang hika,” ani Borlongan.
Gayunman, sinabi niyang paiigtingin ng DOH ang surveillance upang matukoy kung may epekto ang haze sa kalusugan ng publiko.
Ang haze na nararanasan sa ilang bahagi ng bansa ay iniuugnay sa usok mula sa wildfires sa Indonesia na dinadala ng Habagat patungo sa Pilipinas.
Ayon sa DOH, partikular na dapat bantayan ang PM2.5 o napakapinong particulate matter na maaaring makapasok nang malalim sa respiratory system at posibleng umabot sa bloodstream.
Maaaring magdulot ang exposure ng pag-ubo, iritasyon sa ilong at lalamunan, hirap sa paghinga at paglala ng asthma at iba pang sakit sa baga.
Mas vulnerable dito ang mga bata, senior citizens, buntis at mga taong may asthma, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), sakit sa puso o history ng stroke.
Pinayuhan ng DOH ang publiko na bawasan ang exposure sa labas kapag hindi maganda ang air quality at gumamit ng N95 o katumbas na respirator kung kinakailangang lumabas.
Samantala, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bumuti na sa pangkalahatan ang air quality sa Metro Manila nitong Miyerkoles ng umaga, bagaman nanatiling “unhealthy for sensitive groups” ang ilang monitoring stations sa Las Piñas, Makati, Malabon at Parañaque.
Nakikipag-ugnayan ang DOH sa DENR at Department of Labor and Employment (DOLE) para sa ilalabas na advisory hinggil sa mga hakbang na maaaring gawin ng publiko, employers at iba pang institusyon upang mabawasan ang exposure sa haze. RNT