Home NATIONWIDE Parusa vs bullying, karahasan sa paaralan, tinindihan ng DepEd

Parusa vs bullying, karahasan sa paaralan, tinindihan ng DepEd

14
0

MANILA, Philippines — Pinaigting ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng mas mabibigat na parusa laban sa bullying, pisikal na karahasan, pagbabanta at iba pang high-risk offenses sa mga paaralan, kabilang ang non-readmission, exclusion at referral sa law enforcement authorities.

Nakapaloob ang mga hakbang sa Department Order No. 006, s. 2026 o Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment, na inilabas noong Marso 24 upang pagsama-samahin at linawin ang mga patakaran ng DepEd sa learner protection, kabilang ang pagtugon sa bullying at iba pang uri ng karahasan.

Sa ilalim ng progressive disciplinary framework, ang minor offenses ay maaaring patawan ng written reprimand, mandatory parental notification at guidance counseling.

Para naman sa serious offenses gaya ng paulit-ulit na bullying o online harassment, maaaring ipataw ang hanggang limang araw na suspension at referral sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Maaari itong mauwi sa non-readmission sa ikalawang paglabag at exclusion sa ikatlo.

Mas mabigat ang parusa sa high-risk acts gaya ng matinding pananakit, pagdadala ng armas, bomb threats at mapanganib na hoaxes. Maaaring ipataw ang non-readmission sa unang paglabag, exclusion sa susunod na offense at referral sa mga awtoridad alinsunod sa umiiral na batas at child protection procedures.

“Nais natin magbigay ng pagkakataon para magbago ang ating mga mag-aaral, ngunit hindi natin kailanman ikukumpromiso ang kaligtasan ng nakararami,” ayon kay Education Secretary Sonny Angara.

Binigyan din ng kapangyarihan ang school heads na magpatupad ng hanggang 30-araw na preventive suspension habang iniimbestigahan ang kaso kung patuloy na nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng paaralan ang isang learner.

Sa oras na maiulat ang insidente, inaatasan ang Child Protection Committee ng paaralan na agad magsagawa ng imbestigasyon, tiyakin ang kaligtasan ng biktima at magbigay ng kinakailangang mental health at psychosocial support.

Sa ilalim ng polisiya, ang non-readmission ay nangangahulugang hindi na maaaring muling mag-enroll ang learner sa parehong paaralan sa susunod na school year ngunit maaari pa nitong tapusin ang kasalukuyang termino. Ang exclusion naman ay agarang pagtanggal sa learner mula sa active rolls ng paaralan, habang dapat pa ring tiyakin ang pagpapatuloy ng kanyang pag-aaral sa pamamagitan ng naaangkop na alternative educational interventions.

Saklaw ng DepEd Order No. 006 ang mga pampubliko at pribadong elementarya at sekondaryang paaralan at bahagi ng mas malawak na hakbang ng kagawaran upang mapanatiling ligtas ang learning environment ng mga mag-aaral. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here