MANILA, Philippines – Nasa 2,243 paaralan sa buong bansa ang iniulat na napinsala dahil sa pinagsanib na epekto ng mga bagyo at Habagat.
Ayon sa Department of Education (DepEd), aabot sa P7.78 bilyon ang tinatayang halagang kailangan para sa clearing, repairs at reconstruction.
Sa situation report nitong Miyerkules, Setyembre 2, sinabi ng DepEd na nakita sa rapid damage assessments na apektado ang 11,167 silid-aralan.
Sa nasabing bilang, 6,530 silid-aralan ang nagtamo ng minor damage, 2,389 ang may major damage, at 2,248 ang totally damaged.
May pinakaraming naitala sa Region III sa 4,099, sinundan ng Region I sa 3,698 at Cordillera Administrative Region (CAR) sa 1,277.
Naitala naman sa Region IV-A ang 938 napinsalang silid-aralan, Region VIII sa 473, National Capital Region sa 299, Region IV-B sa 212, Region II sa 97, Negros Island Region sa 37, Region VI o Western Visayas na may 19, at Region V na may 18.
Tinataya ng DepEd na kailangan ang P65.036 million para sa clean-up at clearing operations sakop ang 2,243 paaralan.
Kailangan naman ang P319.970 milyon para sa minor repairs sa 1,487 paaralan, habang P1.194 bilyon para sa major repairs sa 669 paaralan.
Ang pinakamalaking requirement ay para sa reconstruction ng mga pasilidad sa 490 paaralan na nagkakahalaga ng P5.620 bilyon. RNT/JGC