MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga Pilipinong aplikante para sa seasonal work, gayundin sa mga local government unit (LGU) na kalahok sa South Korea Seasonal Workers Program (SWP), laban sa mga hindi awtorisadong recruiter.
Ayon sa DMW sa isang social media post nitong Miyerkules, Setyembre 2, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mga broker sa recruitment at deployment ng seasonal workers patungong South Korea.
Sa Advisory No. 54, series of 2026, sinabi ng DMW na itinalaga ng South Korean government ang Korea Agency of Education, Promotion and Information Service in Food, Agriculture, Forestry and Fisheries (EPIS) ng Ministry of Agriculture, Food and Rural Affairs bilang “Central Government Agency Specialized in the Seasonal Worker Program.”
Nilinaw din ng ahensya na hindi awtorisado ang mga pribadong kumpanya sa South Korea na magsagawa o mag-facilitate ng “sisterhood” o twinning agreements sa pagitan ng mga LGU sa Pilipinas at South Korea para sa pagpapatupad ng programa.
Hinimok ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang mga kalahok na LGU na huwag makipagtransaksyon sa mga hindi awtorisadong kumpanya o indibidwal.
“Ito ay mahalagang paalala sa ating mga LGUs na bahagi ng Seasonal Workers Program sa Korea na huwag makipag-ugnayan sa mga hindi awtorisadong kumpanya o indibidwal para masiguro natin ang kapakanan at proteksyon ng ating mga Pilipinong seasonal workers,” ani Cacdac.
Dagdag niya, isinagawa ng DMW ang pagbibigay-babala bilang bahagi ng direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang proteksyon sa overseas Filipino workers (OFWs).
Pinayuhan ng DMW ang mga LGU na nais ng karagdagang impormasyon tungkol sa SWP na makipag-ugnayan sa Pre-Employment and Government Placement Bureau nito sa DMW Building, Ortigas Avenue corner EDSA, Mandaluyong City. RNT/JGC