MANILA, Philippines – Ipinasa ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa noong Miyerkules, Setyembre 2, ang panukalang palawigin mula apat hanggang limang taon ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials.
Sa pamamagitan ng voice vote, inaprubahan ang House Bill (HB) No. 10971, na pinagsamang HB Nos. 1125, 10656, 10713, 10714 at 10924. Layunin nitong amyendahan ang Republic Act No. 12232 at ilipat ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Nobyembre 2026 patungong Nobyembre 2028. Pagkatapos nito, gaganapin ang halalan kada limang taon.
Isinulong ni Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel “Javi” Benitez ang panukala noong Setyembre 1.
May ilang mambabatas na tumutol dahil anila, isa na naman itong pagtatangka ng Kongreso na ipagpaliban ang BSKE at dapat manatili sa mga botante ang karapatang pumili ng kanilang mga lider.
Sa ilalim ng panukala, ituturing na nakumpleto na ng kasalukuyang barangay officials ang isang termino dahil sa dalawang taong extension. Ang mga incumbent na nasa ikatlong sunod-sunod na termino ay hindi na maaaring tumakbo sa parehong posisyon sa 2028.
Mananatili ang tatlong-term limit para sa barangay officials at one-term limit para sa SK officials.
Itatakda rin bilang continuing appropriations ng Commission on Elections (Comelec) ang anumang hindi nagastos mula sa pondong inilaan para sa BSKE 2026. Maaari itong gamitin sa paghahanda para sa 2028 National and Local Elections at iba pang kaugnay na gastusin.
Ayon kay House Committee on Local Government Chairman Rep. Florencio Miraflores, makatutulong ang mas mahabang termino upang magkaroon ng continuity at stability sa local governance at mas maraming panahon ang mga opisyal para ipatupad ang kanilang mga programa.
“Our task, therefore, is to find the right balance and establish a term that will ultimately strengthen, rather than weaken, grassroots governance,” ani Miraflores.
Samantala, sinabi ni Sorsogon Rep. Marie Bernadette Escudero na ang limang taong termino ay aangkop sa limang taong comprehensive development plan ng mga barangay, kaya magkakaroon ng sapat na panahon ang mga opisyal upang maisagawa ang mga programa.
“This is particularly important for barangays with very limited resources, where the time and capacity to implement development programs can be a significant challenge,” ani Escudero.
Maaari nang isalang sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 10971 sa susunod na linggo. RNT/MDS