Home METRO Higit 5K pamilya, hagip ng buhawi sa Ilocos Sur

Higit 5K pamilya, hagip ng buhawi sa Ilocos Sur

3
0

ILOCOS SUR, Philippines – Hindi bababa sa 60 bahay ang nasira, kabilang ang dalawang tuluyang nawasak, matapos hagupitin ng buhawi at malakas na ulan ang ilang komunidad sa Ilocos Sur noong Sabado at Linggo, kasabay ng patuloy na epekto ng Southwest Monsoon o Habagat na pinalakas ng Tropical Depression “Pilandok.”

Ayon kay Gov. Jerry Singson, nasa 5,026 pamilya o 17,371 katao sa 18 local government units at 168 barangay ang naapektuhan.

Sa 60 nasirang bahay, 58 ang bahagyang napinsala habang dalawa ang tuluyang nawasak. Umabot naman sa 158 pamilya o 439 katao ang napilitang lumikas. Siyamnapung pamilya ang nagtungo sa evacuation centers, habang 68 pamilya ang nakituloy muna sa mga kamag-anak o ibang ligtas na lugar.

Nagsagawa ang provincial government ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) noong Setyembre 1 sa mga lugar na tinamaan ng buhawi sa Caoayan, Sta. Catalina, San Vicente at Cabugao. Personal ding sumama si Singson sa pagsusuri upang matukoy ang lawak ng pinsala at agarang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.

Nagkaroon din ng relief operations, kabilang ang pamamahagi ng food packs at first-aid assistance. Patuloy na nagbibigay ang Provincial Government of Ilocos Sur at mga concerned LGU ng family food packs, hygiene kits, family kits at shelter repair kits.

Tiniyak ni Singson na magpapatuloy ang tulong, kabilang ang pamamahagi ng construction materials para sa pagkukumpuni ng mga nasirang bahay.

Samantala, patuloy ang pag-ulan sa Ilocos Region dahil sa Habagat na pinalakas ng Tropical Depression “Pilandok,” kaya nananatili ang banta ng pagbaha, malalakas na hangin at iba pang insidente dulot ng panahon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here