Home NATIONWIDE 20 bagong bayani pinarangalan ng minority bloc sa Senado

20 bagong bayani pinarangalan ng minority bloc sa Senado

3
0

MANILA, Philippines – Binigyang-pugay ng Senate Minority Bloc na pinamumunuan ni Minority Leader Alan Peter Cayetano ang 20 service workers, volunteers, at community frontliners na nagsisilbing mga bagong bayani ng bansa.

Inorganisa ng grupo ang “Ordinaryong Pilipino sa Ekstraordinaryong Pagkakataon: Mga Kwento ng mga Bagong Bayani sa Makabagong Henerasyon” sa Senado nitong September 2, 2026 bilang pagdiriwang ng National Heroes Day.

Kabilang sa mga pinarangalan ang security guards na sina Elmer P. Ausente at Jeffrey Resurreccion; Army reservists Abegail J. Falguera, Eva B. Sarcilla, at John Lloyd G. Tica; child advocate volunteer Sarah Tullos; missionary Ferdinand D. Medina; at SPED teacher at missionary dentist Dr. Irene S. Manalon.

Kinilala rin sina barangay health worker Maria Noemi G. Elaba at Daisy C. Petina; nurse Belinda Cresencio De Padua at Ma. Delia O. Papa; at transport at delivery worker Gerry Suba, Mary Grace Salvador, Benjie Saquing, at Bryan M. Serrano.

Kasama rin sina bicycle delivery rider at fire volunteer Mark Alfredo Fortunato; student at fire volunteer Japh O. Belchez; working student Franze Nathaniel R. Santiago; at service crew member Stephen Howard Rayperan.

Bawat isa ay tumanggap ng munting handog bilang pagkilala sa kanilang “service, sacrifice, resilience, and malasakit.”

Hinimok ni Cayetano ang mga pinarangalan na huwag maliitin ang “the power of your story.” Aniya, nagsisilbi silang inspirasyon sa iba na gamitin ang kanilang bigay ng Diyos na kakayahan para tumulong sa komunidad.

“We’re aware that there are modern-day heroes na hindi po nabibigyan ng recognition, but that doesn’t mean you don’t have a grateful nation and a grateful set of senators,” ani Cayetano sa kaniyang talumpati.

“Marami sa inyo hindi napapansin y’ung work niyo. It’s not really about credit, but really about giving inspiration na sa hirap ng buhay, sa sobrang toxic ng pulitika, mayroon pa rin talagang mga tao who go beyond,” dagdag niya.

Ordinaryong Pilipino, ekstraordinaryong serbisyo

Tatlo sa mga pinarangalan ang nagbahagi ng kanilang natatanging kuwento ng kabayanihan sa kabila ng simpleng pamumuhay at sariling mga pagsubok sa buhay.

Isa sa kanila si Elmer Ausente, isang security guard na nag-viral nang makuhanang sumisigaw sa megaphone para palakasin ang loob ng kukuha ng nursing board examination sa Manila Central University.

Aniya, nais lang niyang palakasin ang loob ng mga examinee na walang kasamang kaanak o kaibigan. Ilan sa kanila ang bumalik para pasalamatan siya at ibalitang pumasa sila sa pagsusulit.

Binubuhay ni Ausente ang kaniyang apat na senior high school na mga anak sa pamamagitan ng pagse-security guard, na 16 taon na niyang trabaho.

“Nagpapasalamat po ako. Hindi ko po talaga inaasahan ito dahil isa lang po akong security guard sa Manila Central University. Sumigaw lang po ako para maalis po y’ung kaba ng mga examinees namin,” pahayag ni Ausente.

Taong 2022 naman sa kolehiyo nang magsimulang maging boluntaryo ang 22-taon-gulang na Army reservist na si John Lloyd Tica. Kumuha siya ng training sa first aid, basic life support, disaster risk reduction, land navigation, survival, at search-and-rescue operation.

Ngayon, naglilingkod siya sa mga rescue operation at nagtuturo rin ng first aid at basic life support sa mga paaralan, barangay, at tanggapan ng gobyerno.

“Isa lang po akong ordinaryong tao, pero si God ang extraordinary. Siya ang gumamit sa akin para maging volunteer… Y’ung simpleng act natin, time, and effort, malaking bagay po para sa mga taong nangangailangan,” pahayag ni Tica.

Ikinuwento naman ng delivery rider na si Bryan Serrano kung paano niya sinalo ang isang batang nahulog mula sa ikalawang palapag ng bahay. Tinawag siyang “guardian angel” ng mga magulang ng bata at hiniling pang maging ninong ng kanilang anak.

“Sa akin po, ang pagtulong ay hinihingi ng pagkakataon. Ginagamit po tayong kasangkapan ng Diyos para makatulong. Nagpapasalamat po ako sa Diyos na binigyan ako ng lakas para masagip ang buhay ng bata,” pahayag ni Serrano.

Dumalo rin sa aktibidad sina Senators Pia Cayetano, Bong Go, Mark Villar, Camille Villar, Robinhood Padilla, at Imee Marcos para personal na magpasalamat sa mga bagong bayani.

Nangako naman si Cayetano na kasabay ng pagbabantay sa kaban ng bayan at paghahanap ng solusyon sa mga problema ng gobyerno, patuloy ding maghahatid ng direktang tulong sa mga mamamayan ang Minority bloc.

“Help people more, hindi lang sa paraan ng pagfi-fiscalize, holding people accountable, at pagbibigay ng ideas, pero sa direktang tulong sa mga tao,” aniya.

Bago pa ang aktibidad, matagal nang binibigyang-diin ni Cayetano na dapat tumbasan ng konkreto at pangmatagalang suporta ng gobyerno ang pasasalamat sa mga makabagong bayani ng bansa.

Kabilang sa kanyang mga inakda at sinuportahang panukala ang living wage, mas matibay na primary health care sa bawat barangay, accessible health care, mas malawak na suporta para sa mga estudyante, at mas maayos na kompensasyon para sa community health workers.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here