Home METRO Kelot nanloob sa isang bahay, huli; bukod sa mga ninakaw, droga, baril...

Kelot nanloob sa isang bahay, huli; bukod sa mga ninakaw, droga, baril nakumpiska

2
0

VALENZUELA CITY, Philippines – Matapos looban at pagnakawan ng isang lalaki ang bahay ng isa pang lalaki, nakasamsam pa ang pulisya ng baril at iligal na droga mula sa suspek, kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City.

Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakilala ang suspek sa alyas “Jovert”, 26, ng Barangay Caingin, Meycauayan City, Bulacan.

Alas-3:30 ng madaling araw nang magising na lamang sa pagkakatulog sa loob ng kanyang bahay ang biktimang si alyas “Bryan”, 45, at mamataan ang suspek.

Nang mapansin naman ng suspek na nagising ang biktima, mabilis itong tumakas at doon din nadiskubre ni ‘Bryan’ na nawawala na ang kanyang cellphone at P40,000 cash na nasa loob ng bag.

Dahil dito, agad na ipinagbigay-alam ng biktima sa barangay Lingunan ang nasabing insidente gayundin sa mga pulis.

Kasama ang biktima, nagsagawa ng follow up operation ang mga pulis hanggang sa makita nila ang suspek na naglalakad sa kahabaan ng Acacia Street, sa nasabing barangay na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-6:00 ng umaga nang positibong itinuro ng biktima.

Nabawi sa suspek ang itim na belt bag, cellphone at P5,350 cash na pagmamay-ari ng biktima habang nasamsam pa sa kanya ang isang improvised firearm na kargado ng isang bala at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,176.00.

Kasong paglabag sa Article 308 (Theft) of the RPC, R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng Inquest Proceedings. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here