Home NATIONWIDE Fiscal autonomy ng Ombudsman pinalawak, pondo dadagdagan – solon

Fiscal autonomy ng Ombudsman pinalawak, pondo dadagdagan – solon

5
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson ang mas mataas na badyet para sa Office of the Ombudsman sa 2027 at mas malawak na fiscal autonomy para sa ahensya na katulad ng Judiciary Fiscal Autonomy Act (RA 12233), sabay mungkahi na maglaan ng bahagi ng mga pondong ibinabalik sa national government mula sa mga kaso ng katiwalian, kabilang ang flood control scandal, upang madagdagan ang badyet nito.

Inilahad ni Lacson ang mga panukalang ito nitong Huwebes ng umaga sa pagdinig ng Senate finance committee hinggil sa panukalang badyet ng Office of the Ombudsman para sa 2027.

“Kung may gain ang national government or Treasury sa restitution, part of that would be earmarked para madagdagan ang budget,” aniya.

“Maybe 10-20% of whatever amount is restituted should be earmarked and it’s covered by law so di pwedeng galawin ang part of the restituted amount,” dagdag niya.

Pinasalamatan naman ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla si Lacson para sa panukala. “That’s very appreciated, we appreciate that very much,” aniya.

Nanawagan din si Lacson para sa mas mataas na badyet ng Office of the Ombudsman para sa 2027, kabilang ang pondo para sa law enforcement service nito, upang mas mahusay nitong magampanan ang mandato nitong labanan ang katiwalian.

Sinabi niya na habang ang mga anti-corruption agency sa ibang bansa gaya ng Independent Commission Against Corruption (ICAC) ng Hong Kong ay tumatanggap ng 0.38 porsyento ng kabuuang badyet ng Hong Kong, nasa 0.1 porsyento lamang ang bahagi ng Ombudsman sa National Expenditure Program.

Naghain ang Ombudsman ng panukalang badyet na P12.796 bilyon para sa 2027, ngunit ibinaba ito ng Department of Budget and Management sa P7.232 bilyon.

“If we compare as benchmark ng ICAC ng HK, ang kanilang percentage sa total budget ay 0.38%, yan ang na-allocate ng HK SAR sa ICAC. Compare that to the Ombudsman, nandoon lang tayo sa 0.1%. Kung susundan natin benchmark ng ICAC, dapat P25.8 billion ang inyong budget. Napakalayo sa P7.2 billion,” ani Lacson.

Binanggit din ni Lacson na dahil humihingi ang Office of the Ombudsman ng P1.68 bilyon para mapunan ang 1,247 bakanteng posisyon ngunit maaaring abutin ng hindi bababa sa tatlong taon upang mapunan ang lahat ng ito, maaaring i-realign ang bahagi ng P1.68 bilyon para sa panukalang Ombudsman Marshall Service, ang law enforcement arm ng ahensya.

Ang paglikha ng Ombudsman Marshall Service at karagdagang mga posisyon upang palakasin ang General Administration and Support units ay mangangailangan ng P163.68 milyon (PS) at P3.799 milyon (MOOE).

Samantala, si Lacson, na naghain ng panukalang batas para likhain ang Ombudsman Marshall Service, ay nagmungkahi rin na maaari itong pamunuan ng isang taong hindi kinakailangang abogado ngunit may hindi bababa sa 10 taong karanasan sa law enforcement o investigative work.

Sinabi ni Remulla na maaaring kuwalipikado si Assistant Ombudsman Eliseo Cruz na pamunuan ang Marshall Service dahil sa kanyang karanasan sa law enforcement.

Isinusulong din ni Lacson ang pagkakaroon ng statutory protection para sa Ombudsman na magbibigay rito ng “full fiscal autonomy,” hindi lamang sa yugto ng pagpapatupad kundi maging sa yugto ng paghahanda ng panukalang badyet, upang mapalakas ang integridad at independence nito sa proseso ng pagbabadyet.

“We’re quietly but surely assisting the Ombudsman in this regard. I understand the complexity of the problem, the volume of graft and corruption cases… That’s why we are really very supportive of the efforts of the Ombudsman and in whatever capacity makatulong kami like Judicial Marshal Service, fiscal autonomy, etc. Rest assured the Senate under the leadership of the Senate President will be four square behind efforts of the Ombudsman,” dagdag niya.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here