Home HOME BANNER STORY Sandiganbayan, iniutos paglaya ni ex-DPWH chief Bonoan

Sandiganbayan, iniutos paglaya ni ex-DPWH chief Bonoan

2
0

MANILA, Philippines – Iniutos ng Sandiganbayan Fifth Division ang pagpapalaya kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan matapos siyang alisin bilang akusado sa plunder at graft cases kaugnay ng umano’y kickback scheme sa mga flood control project.

Sa resolusyon, ipinag-utos ng anti-graft court kay Police Brig. Gen. Portia Manalad ng Philippine National Police Health Service General Hospital na palayain si Bonoan mula sa kustodiya maliban kung may iba pang legal na dahilan upang patuloy siyang ikulong.

Nauna nang pinayagan ng Fifth Division ang mosyon ng prosekusyon na amyendahan ang mga information at alisin si Bonoan bilang co-accused sa mga kasong kinakaharap ni Sen. Jinggoy Estrada at iba pa.

Humiling ang Office of the Ombudsman na alisin si Bonoan bilang akusado upang magamit ang kanyang testimonya bilang testigo sa iba pang mga kasong may kaugnayan sa kontrobersiya sa flood control projects. Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mahalaga ang nalalaman ni Bonoan sa umano’y sistema sa likod ng mga maanomalyang proyekto.

Gayunman, may hiwalay pang graft case na kinakaharap si Bonoan sa Sandiganbayan Second Division. Nauna nang ibinasura ng naturang dibisyon ang hiwalay na kahilingan ng prosekusyon na alisin din siya bilang co-accused sa kasong iyon. Nakapagpiyansa na si Bonoan ng P90,000 para sa naturang kaso.

Dahil dito, kailangang tiyakin muna ng mga awtoridad kung wala nang iba pang legal na hadlang sa kanyang paglaya bago tuluyang makalabas sa kustodiya ang dating kalihim. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here