Home NATIONWIDE DFA muling nilinaw Ayungin resupply arrangement sa China: Info exchange lang

DFA muling nilinaw Ayungin resupply arrangement sa China: Info exchange lang

3
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi paghingi ng permiso sa China ang provisional arrangement para sa rotation and resupply (RORE) missions ng Pilipinas sa Ayungin Shoal, kundi pagpapalitan lamang ng impormasyon.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong Huwebes, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na walang epekto ang arrangement sa posisyon at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

“This is just an information exchange. There is no permission that is being asked,” ani Lazaro.

Sa ilalim ng mekanismo, ang Armed Forces of the Philippines-Western Command ang nagpapasya kung kailan isasagawa ang resupply mission patungo sa BRP Sierra Madre. Ipinapaalam ito sa DFA, na siya namang nagbibigay ng impormasyon sa Chinese Ministry of Foreign Affairs tungkol sa nakatakdang operasyon.

Kapag naabisuhan, nagbibigay din umano ang China ng impormasyon hinggil sa mga sasakyang-pandagat na makikita sa lugar sa oras ng misyon.

Ang provisional arrangement ay napagkasunduan ng Pilipinas at China noong Hulyo 2024 matapos ang marahas na insidente sa Ayungin Shoal noong Hunyo ng parehong taon. Sa opisyal na pahayag noon, sinabi ng DFA na ang kasunduan ay hindi nakaaapekto sa kani-kanilang posisyon sa South China Sea.

Ayon kay Lazaro, hindi bababa sa 16 resupply missions ang naisagawa mula nang magkaroon ng arrangement nang walang insidente.

Samantala, sinabi ng DFA na nakapaghain na ang Pilipinas ng 296 diplomatic protests kaugnay ng mga insidente sa China mula 2022, kabilang ang 39 ngayong 2026. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here