Home METRO 17 tigok, 2,413 sirit-kaso ng dengue naitala sa Zambo City

17 tigok, 2,413 sirit-kaso ng dengue naitala sa Zambo City

1
0

ZAMBOANGA CITY, Philippines – Umabot na sa 2,413 ang naitalang kaso ng dengue sa Zamboanga City mula Enero 1 hanggang Agosto 29, habang 17 katao na ang nasawi, ayon sa datos ng City Health Office (CHO).

Nadagdagan ng 80 bagong kaso ang bilang noong morbidity week 34 o Agosto 23 hanggang 29. Wala namang naitalang bagong pagkamatay sa naturang reporting period.

Pinakamaraming tinamaan ang mga batang edad isa hanggang 10 taong gulang na bumubuo sa 51 porsiyento o 1,220 ng kabuuang kaso.

Nakapagtala rin ng clustering ng dengue cases sa 60 sa 98 barangay ng lungsod. Itinuturing na clustering ang pagkakaroon ng hindi bababa sa tatlong kaso sa isang barangay sa loob ng apat na magkakasunod na morbidity weeks.

Pinakamaraming kaso mula Enero hanggang Agosto 29 ang naitala sa Sta. Maria na may 138, kasunod ang Calarian na 135, Ayala na 110, Tumaga na 102 at Mercedes na 99.

Pinaigting na ng lokal na pamahalaan ang search-and-destroy operations at clean-up drives upang alisin ang mga posibleng breeding site ng lamok.

Patuloy ding hinihikayat ng CHO ang publiko na magsagawa ng dengue prevention measures at agad magpakonsulta kapag nakararanas ng sintomas.

Nauna nang binigyang-diin ng Zamboanga City government na nananatiling seryosong public health concern ang dengue at mahalaga ang maagap na pagpapatingin upang maiwasan ang severe dengue at pagkamatay. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here