KATHMANDU, Nepal – Umakyat na sa 1,252 ang bilang ng nasawi sa malawakang pagbaha sa Nepal habang mahigit 4,200 katao ang nananatiling nawawala, ayon sa pinakahuling datos ng mga awtoridad.
Sa ilang lugar, nagsasagawa na ang mga pamilya ng simbolikong funeral rites para sa mga mahal sa buhay na hindi pa rin natatagpuan mahigit isang linggo matapos ang kalamidad.
Sa Pashupatinath Temple sa Kathmandu, sinunog ng ilang pamilya ang mga effigy na gawa sa sacred grass bilang bahagi ng tradisyunal na ritwal para sa mga nawawalang kamag-anak na pinangangambahang nasawi.
Patuloy naman ang search and rescue operations, kabilang ang paghahanap sa tinatayang 900 manggagawa na pinaniniwalaang na-trap sa mga hydropower facilities matapos tabunan ng putik at debris ang malalawak na bahagi ng mga apektadong lugar.
Libu-libong bahay, kalsada at iba pang imprastraktura ang nasira, habang libu-libo ring residente ang nananatili sa evacuation at relief centers.
Ang sakuna noong Agosto 26 ay iniugnay sa pagbagsak ng bahagi ng glacier na nagdulot ng malakas na daloy ng tubig, putik at bato sa mga lambak malapit sa Nepal-China border.
Sa kalapit na Tibet region ng China, iniulat din ang mga nasawi at daan-daang nawawala dahil sa kaparehong kalamidad. Dave Medina