MANILA, Philippines – Itinaas ng PAGASA ang red rainfall warning sa ilang bahagi ng Zambales, Bataan at Pampanga nitong Biyernes, Setyembre 4, dahil sa patuloy na epekto ng southwest monsoon o habagat.
Batay sa Heavy Rainfall Warning No. 6 na inilabas alas-11 ng umaga, sakop ng red warning ang San Felipe, San Marcelino, San Narciso, Castillejos, San Antonio, Subic at Olongapo sa Zambales; Dinalupihan, Hermosa, Orani, Morong, Samal, Abucay, Balanga, Pilar, Orion at Bagac sa Bataan; at Lubao, Sasmuan, Macabebe, Masantol at Floridablanca sa Pampanga.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng seryosong pagbaha sa flood-prone areas sa mga lugar na nasa ilalim ng red warning.
Orange rainfall warning naman ang umiiral sa Tarlac at ilang bahagi ng Zambales, Bataan, Pampanga at Bulacan, kung saan banta rin ang pagbaha.
Nasa yellow rainfall warning naman ang Metro Manila, Cavite, Rizal at ilang bahagi ng Nueva Ecija, Bulacan, Batangas at Laguna.
Patuloy na nakaaapekto ang habagat sa Luzon at Visayas. Ayon sa PAGASA, makararanas ng monsoon rains ang Zambales at Bataan habang occasional rains naman ang inaasahan sa Metro Manila, Pampanga, Tarlac, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro.
Pinapayuhan ang publiko sa mga apektadong lugar na bantayan ang mga susunod na rainfall warning at maging handa sa posibilidad ng flash flood at landslide. RNT