Home NATIONWIDE P197.3-B budget para sa rail transport projects isinusulong sa 2027

P197.3-B budget para sa rail transport projects isinusulong sa 2027

3
0

MANILA, Philippines – Aabot sa P197.3 bilyon ang panukalang pondo para sa Rail Transport Program sa 2027, mahigit tatlong beses sa P55.34 bilyong alokasyon ngayong taon, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).

Pinakamalaking bahagi ng pondo ang nakalaan sa North-South Commuter Railway (NSCR) na may P123.84 bilyon, habang P67.44 bilyon naman ang iminungkahi para sa Phase 1 ng Metro Manila Subway Project. Magkasama, halos 97 porsiyento ng kabuuang proposed rail budget ang mapupunta sa dalawang flagship projects.

Sinabi ni DBM Acting Secretary Kim Robert de Leon na layunin ng mas malaking railway investments na mabawasan ang travel time at logistics costs, mapahusay ang paggalaw ng mga tao at produkto, at mailapit ang mas maraming Pilipino sa trabaho at iba pang economic opportunities.

Kapag natapos, magkakaroon ang NSCR ng 35 istasyon na mag-uugnay sa Metro Manila, Bulacan, Pampanga at Laguna.

Ang Metro Manila Subway naman, na magiging unang underground railway system ng bansa, ay may habang humigit-kumulang 33 kilometro at 17 istasyon at ikokonekta sa iba pang pangunahing railway lines.

May panukala ring P1.17 bilyon para sa LRT-1 Cavite Extension, P1.94 bilyon para sa rehabilitation at upgrading ng MRT-3, at P603.89 milyon para sa interim operations ng LRT-1 South Extension-Common Station.

Bahagi pa lamang ang P197.3-bilyong alokasyon ng 2027 National Expenditure Program at maaari pang mabago habang dumaraan sa deliberasyon at pag-apruba ng Kongreso. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here